|
||||||||
|
||
Panukalang pambansang budget, kailangang suriing mabuti
PANUKALANG BUDGET, DAPAT SURIIN. Nanawagan si Atty. Aaron Pedrosa ng Sanlakas na suriing mabuti ang panukalang budget ng pamahalaan sa susunod na taon sapagkat may inilalang salapi sa mga utang na 'di naman napakinabangan ng mga mamamayan. Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido kanina, sinabi ni Atty. Pedrosa na tututukan nila kung maaalis ang probisyong ito na makasasama sa bansa. (Melo M. Acuna)
DAGDAG NA SAHOD PARA SA MGA KAWAL AT PULIS, MADARAMA NA. Tiniyak ni Director Amenelia Arevalo ng Department of Budget and Management na nakakuha sila ng salaping maibibigay sa mga kawal at pulis bago matapos ang 2016. Naipangako ni Pangulong Duterte sa mga kawal at pulis na magkakaroon ng dagdag na benepisyo. (Melo M. Acuna)
PARTY LIST CONGRESSMEN MAGBABANTAY. Ayon kay Kabayan Party List Congressman Ron Salo, gugugol sila ng panahon upang pakinggan at magtanong sa iba't ibang tanggapan ng pamahalaan na magkakaroon ng budget hearing sa Mababang Kapulungan. Interesado silang makarating sa pinakamalyong bahagi ng bansa ang biyaya mula sa pamahalaan, dagdag pa ng mambabatas. (Melo M. Acuna)
SA idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, nanawagan si Atty. Aaron Pedrosa, secretary-general ng SANLAKAS na suriing mabuti ang panukalang budget para sa taong 2017 sapagkat may mga inilaang budget para sa mga kaduda-duda, hindi napakinabangang pagkakautang.
Ayon kay Atty. Pedrosa napuna ito ng Freedom from Debt Coalition na maraming mga pagkakautang ang 'di naman napakinabangan ng mga mamamayan. Ang mga utang na ito ay mula sa Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency at maging sa World Bank.
Mayroon umanong debt service ang 2017 budget na umaabot sa P891.35 bilyon na kinabibilangan ng prepayments at bond exchange transactions. Mayroong P739.54 na milyon para sa interest payments at P 5.39 bilyon para naman sa principal ammortization ng 13 pagkakautang na nababahid ng anomalya.
Tiniyak naman ni Director Amenelia Arevalo na ginagawa ng Department of Budget and Management ang lahat upang higit na pakinabangan ng mga mamamayan sa nakaprogramang mga proyekto.
Nagkaroon din ng pagbabago sa panukalang budget na inihanda ng Aquino Administration at isinayaos sa mga prayoridad ng Duterte Administration. Nakatuon ang 2017 budget sa social services samantalang pangalawa naman ang economic services at pangatlo ang general public services.
Nangunguna pa rin umano sa budget ang Department of Education samantalang pangalawa ang Department of Public Works and Highways, Department of Interior and Local Government ang pangatlo at pang-apat naman ang Department of National Defense.
Ipinaliwanag naman ni Kabayan party list Congressman Ron Salo na binabantayan nila ang mga budget presentation ng iba't ibang kagawaran. Isang malaking hamon sa mga party list congressmen na matutukan ang panukalang budget sapagkat higit na magiging epektibo ang mga programa sa pagkakaroon ng angkop na salaping ilalaan ng pamahalaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |