|
||||||||
|
||
Sa imbestigasyon ng Kongreso, nabunyag ang piitang naging paraiso
KAKAIBA ang mga naganap sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa sapagkat nagkaroon ng mga pagtatanghal ang mga sikat na entertainer tulad ni Sharon Cuneta na maybahay ni Senador Francisco Pangilinan, ang komedyanteng si Ethel Booba at ang kontrobersyal na Mocha Girls.
Ito ang sinabi ni Rodolfo Magleo, isang dating police inspector na napatunayang nagkasala ng kidnapping noong 2001. Sa kanyang pagharap sa Kongreso kanina, sinabi niyang binayaran si dating Justice Secretary Leila de Lima ng milyon-milyong piso upang magkaroon ng magandang pagtrato sa drug dealer na si Jaybee Sebastian.
Sa pagsisiyasat ng Kongreso sa paglaganap ng bawal na droga sa piitan, sinabi ni Magleo na nakaharap niya si Secretary De Lima at ang kanyang tsuper na si Ronnie Dayan noong mga Hunyo o Hulyo ng 2012.
Si Magleo ang lider ng grupong Kalasag. Nakausap umano nila si Secretary De Lima kasama ang tatlong iba pang bilanggo at nagpalitan sila ng mga telephone number. Inutusan umano sila ni Secretary De Lima na magbenta ng droga upang makalikom ng salapi para sa pangangampanya sa pagka-senador ng kalihim.
Si Dayan na ang magiging tagapag-ugnay sa mga bilanggo at sisingil ng lingguhang halagang P 50,000. Karamihan umano'y 'di nakapagbigay ng quota at tanging si Sebastian lamang ang nakapagbigay ng P100,000 para kay Dayan.
Magkaibigan umano sina Sebastian at De Lima. Dumalaw umano si De Lima sa kubol ni Sebastian at nagtagal ng may dalawa hanggang tatlong oras.
Napuna rin ni Magleo na matalik na magkaibigan sina Dayan at De Lima sapagkat ipinamamalita ni Dayan sa kanila na nangako si De Lima na tutustusan ang kanyang pagkandidato sa pagka-barangay captain sa Urbiztondo, Pangasinan.
Sa isang inuman, nabanggit naman ni Sebastian na nakapagbigay na siya ng P 10 milyon kay De Lima sa pag-aalis ng sinasabing "Bilibid 19." Nawalan umano ng kompetisyon si Sebastian sa pagkakaalis ng ibang bilanggo. Nahawakan ni Sebastian ang kontrol sa pagbebenta ng droga.
Nanawagan pa umano si Sebastian sa ibang mga bilanggo na suportahan ang kandidatura sa pagkasenador ni dating Justice Secretary De Lima.
Si Herbert Colangco ay nagbigay din ng mula P 2 hanggang P 3 milyon bawat buwan kay De Lima upang makapag-konsiyerto sa loob ng maximum security compound.
Sa kanyang pagharap sa House Committee on Justice, inamin naman ni Colangco na nakapagpapasok siya ng mga babaeng nagbibili ng aliw sa halagang P 25,000 bawat isa.
Kinukunan umano nila ng larawan at pagdating sa National Bilibid Prison ay ipinagbibili naman niya ng mula P50 hanggang P75,000 bawat isa sa mayayamang bilanggo.
Sa pagtatanong ng mga mambabatas kung bakit mas gusto ng mga bilanggong makabalik sa maximum security compound kaysa sa medium o kolonya, sinabi ni Colangco na maihahalintulad sa Las Vegas ang kanilang piitan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |