|
||||||||
|
||
Ika-44 na anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ginunita
NAGSAMA-SAMA ang mga naging biktima ng Martial law, mga mag-aaral at mga kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan sa paggunita ng ika-44 na taong pagkakadeklara ng Martial Law noong 1972.
Nanawagan ang mga nagsama-sama na huwag na sanang maulit ang batas militar. Nanawagan sila para sa katarungan sa pagkasawi, pagkawala, at iba pang pang-aabuso kasama ng mga naging biktima ng patuloy na panggigipit ng pamahalaan.
Tinuligsa ng grupo ang anumang napipintong pagpaparangal sa diktador sa pamamagitan ng paglilibing sa huling hantungan ng mga naglingkod sa bayan. Isa ang BAYAN sa mga nagpetisyon sa Korte Suprema upang hadlangan ang balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng state honors ang diktador.
Nagmartsa ang mga kasama sa paggunita mula sa Welcome Rotonda hanggang sa Mendiola Bridge. Hinihiling din ng BAYAN ang pagpapalaya sa nananatiling nakapiit na political prisoners.
Sinabi ni G. Renato Reyes na patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mapanupil na mga batas hanggang ngayon. Batid umano ito ni Pangulong Duterte at 'di tulad ng mga nakalipas na pamahalaan, kinikilala niya ang pagkakaroon ng mga bilanggong politikal. Panahon na upang magkaroon ng malawakang amnesty proclamation, dagdag pa ni G. Reyes.
May 22 political prisoners ang pansamantalang pinalaya kasabay ng peace talks ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines na posibleng maging daan para sa tigil-putukan sa magkabilang panig. Naniniwala ang BAYAN na pag-uusapan ang mahahalagang isyung may kinalaman sa socio-economic reforms sa unang linggo ng Oktubre.
Pinarangalan ng mga nagmartsa ang mga nag-alay ng kanilang buhay sa pakikibaka sa diktadura.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |