|
||||||||
|
||
Biktima ng krimen, kontra sa parusang kamatayan
SHOWBIZ PERSONALITY, TUTOL SA DEATH PENALTY. Naniniwala si Cherry Pie Picache na hindi malulutas ang krimen kung parurusahan ng kamatayan ang may kagagawan. Napaslang ang ina ni Cherry Pie noong 2014 at nahatulan ng parusang pagkakabilanggo ng habang-buhay noong Disyembre ng 2015. Para sa naulila, hindi maghihilom ang kanilang sugat kung basta na lamang parurusahan ng kamatayan. (Melo M. Acuna)
ISANG biktima ng karumaldumal na krimen ang nagsabing hindi siya naniniwala sa parusang kamatayan. Ito ang mensahe ng isang television/movie personality na si Cherry Pie Picache sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw Laban sa Parusang Kamatayan sa simpleng selebrasyon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Magugunitang natagpuang patay at nagtamo ng maraming saksak sa katawan ang ina ni Cherry Pie. Nakilala ang biktima sa pangalang Zenaida na noo'y 75 taong gulang.
Noong nakalipas na Disyembre ay nahatulan ng hukuman ang may kagagawan ng krimen na mabilanggo ng habang-buhay. Naniniwala ang showbiz personality sa katuturan ng restorative justice sa pamamagitan ng pagpapatawad at paghingi ng kapatawaran.
Sa panayam sa CBCP Conference Room, sinabi ni Cherry Pie Picache na kontra din siya sa panawagang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa tulad ng ipinangako ni Pangulong Duterte sa mga botanteng Filipino noong kainitan ng kampanya sa panguluhan.
Kontra din siya sa nagaganap na mga pagpaslang ngayon sa bansa at kinampihan pa ang kanyang kapwa artistang si Agot Isidro sa pagtuligsa kay Pangulong Duterte sa pamamagitan ng social media.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |