|
||||||||
|
||
MALAKI ang nai-aambag ng foreign remittances sa ekonomiya ng Pilipinas. Ito ang sinabi ni Director Aries Gamboa ng Department of Economic Statistics ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Umaabot sa 10% ng Gross Domestic Product ang nagmumula sa foreign remittances.
Ipinaliwanag ni G. Gamboa na hindi limitado sa salaping ipinadadala ng mga manggagawa ang kanilang pananaw. Nais nilang lumago ang salaping padala sa pamamagitan ng pag-iimpok at pagkakalakal. Kailangang manatiling malakas at matatag ang remittances na ito.
Sa unang siyam na buwan ng 2016, lumago na ang padalang salapi ng 5.2% sa halagang US$ 29.6 bilyon at ang personal remittances ay umabot naman sa US$ 24 bilyon. Idinagdag pa ni G. Gamboa na makakamtan ng bansa at ekonomiya ang halagang US$ 30 bilyon sa pagtatapos ng 2016. Karaniwang lumalago ang foreign remittances ng 4% mula sa naitala noong 2015. Mas mababa ang naipadalang salapi noong nakalipas na taon.
Nakarating na sa 98 mga lalawigan ang Bangko Sentral ng Pilipinas at maging sa 15 mga lungsod na pinakamaraming mga Filipino sa ibang bansa upang magbigay ng impormasyon sa paglalaanan ng salaping kinita sa ibang bansa. Kasama ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga taga-Overseas Workers Welfare Administration at Department of Trade and Industry sa pagbibigay ng kaukulang kaalaman, dagdag pa ni G. Gamboa.
Wala pa namang nakikitang pagbabago sa kalakaran ng remittances si G. Gamboa sa pagkakahalal kay Pangulong Donald John Trump ng America.
Kabilang sa mga bansang pinagmumulan ng pinakamalalaking remittances maliban sa America at Saudi Arabia at ilang mga bansa sa Middle East ay ang Canada, United Kingdom, Singapore, Hong Kong at Italy.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |