|
||||||||
|
||
Unilateral ceasefire ng CPP/NPA/NDF winakasan na
TINAPOS na ng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front ang kanilang idineklarang unilateral ceasefire noong nakalipas na Agosto ng 2016.
Hindi umano tumupad ang pamahalaan ni Pangulong Duterte sa pangako nitong palalayain ang lahat ng bilanggong politikal. Sa isang pahayag, sinabi ni Jorge "Ka Oris" Madlos na isa pang dahilan ang pagpasok ng mga militar sa kanilang nasasakupan.
Nakatakdang matapos ang kanilang reklaradong ceasefire sa darating na maghahatinggabi ng Biyernes, ika-sampu ng Pebrero. Ayon sa grupo, ang negotiating panel ng pamahalaang Filipino ay bibigyan ng kaukulang pahayag ng NDFP negotiating panel.
Ipinaliwanag ni Ka Oris na inilabas nila ang unilateral ceasefire sa pagkakaunawaan ng magkabilang panig na magkakaroon ng pagpapalaya sa loob ng 60 araw mula noong ika-28 ng Agosto. Humiling umano ang panig ng pamahalaan ng dagdag na panahon upang mapalaya ang may 200 political prisoners. Hindi umano nagkatotoo ang pangako kahit pa pumayag ang CPP na patagalin ang ceasefire declaration ng may 150 araw.
Ginagamit pa umano ng pamahalaan ang unilateral ceasefire upang pasukin ang kanilang nasasakupan. Sinabi ng grupo na sa may 164 mga bayan at 43 lalawigan, pinasok na ng Armed Forces of the Philippines ang 500 barangay na sakop ng kanilang armadong grupo.
Kahit pa nagdeklara ang pamahalaan ng sariling tigil-putukan noong Agosto ng 2016, tuloy ang pananalakay, panggigipit, pagmamatyag at iba pang operasyong pinangalanang "peace and development, civil-military, peace and order, anti-drugs campaign, medical missions at law enforcement."
Sumalakay din ang mga kawal ng pamahalaan at nakasagupa ang mga NPA sa Makilala, North Cotabato na ikinasawi ng walong kawal. Isang tauhan ng NPA ang nasawi sa sagupaan.
Sa pagtalikod ng CPP/NPA/NDF sa ceasefire, suportado pa rin nila ang peace negotiations ayon sa itinatadhana ng The Hague Joint Declaration noong 1992.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |