|
||||||||
|
||
Pagtitiwala, mahalaga sa relasyon ng Tsina at Pilipinas
PAGTITIWALA SA ISA'T ISA, MAHALAGA. Naniniwala si Chinese Ambassador Zhao Jianhua na magiging mabunga ang relasyon ng Tsina at Pilipinas sapagkat may tiwala sa isa't isa. Sa kanyang talumpati sa Davao City, sinabi ni Ambassador Zhao na handang tumulong ang Tsina sa Pilipinas sa iba't ibang larangan. (File Photo ni Melo Acuna)
UMAASA si Chinese Ambassador Zhao Jianhua na higit na magiging maganda ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga susunod na panahon. Ito ang isa sa mga binanggit niya sa isang pagpupulong sa Davao City noong Biyernes.
Sinabi ni Ambassador Zhao na ang kaunlaran sa Gross Domestic Product ay umabot sa 6.8% noong nakalipas na taon at nahigitan pa ang Tsina na nagtamo ng 6.7%, Viet Nam na nagkaroon ng 6.2% at Indonesia na nagtaglay ng 5.0%. Lumalabas lamang na ang Pilipinas ang pinakamabilis na lumagong bansa sa mga naglabas ng kanilang growth figures. Pinuri niya si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ten-point agenda na nagpapadali sa kaunlaran ng mas maraming mga mamamayan.
Maganda ang kinabukasan ng bansa dahil sa likas na yaman ng bansa, mga masisipag na mga mamamayang kabataan, pagsusulong ng kalakal sa iba't ibang bansa.
Nagkataon ding nahaharap sa hamon ang mga programang ito dahil sa kakulangan ng mga pagawaing-bayan, pagpapasigla ng mga programang magbabawas sa kahirapan na matutugunan sa pamamagitan ng hanapbuhay at kalakal sa kanayunan.
Lumago rin ang kalakalan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas. Madaragdagan din ang bilang ng mga turistang Tsinong makararating sa Pilipinas sa bilang na isang milyon ngayong 2017.
Nagsimula na rin ang pagdalaw ng mga Tsinong magtatayo ng industrial parks ngayong araw na ito. Dadalaw sila sa iba't ibang bahagi ng Luzon at sa Davao. May 12 pook na pagpipiliian ang mga mangangalakal na Tsino sa kanilang pagdalaw sa Pilipinas.
Lalakas din ang pagtutulungan ng mga Tsino at Filipino sa larangan ng Micro Small and Medium Enterprises, maging sa enerhiya at sa electronic products.
Nabanggit pa ni Ambassador Zhao na pamumunuan ng Bank of China sa Maynila ang China-Philippines – SME Cross Border Trade and Investment Conference upang higit na sumigla ang small and medium enterprises sa susunod na buwan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |