|
||||||||
|
||
20170203 Melo Acuna
|
NAGDESISYON si Pangulong Rodrigo Duterte na talikdan na rin ang unilateral ceasefire sa pakikipaglaban sa mga guerilya ng New People's Army na naideklara noong nakalipas na taon.
Sa kanyang talumpati sa North Cotabato, sinabi ni Pangulong Duterte tinawagan na niya si General Ano, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na inaalis na niya ang ceasefire.
Inilabas ni Pangulong Duterte ang pahayag dalawang araw matapos maglabas ng pahayag ang Communist Party of the Philippines/New People's Army/National Democratic Front na winawakasan na nila ang ceasefire mula sa Biyernes, ika-sampu ng Pebrero.
Katatapos pa lamang ng ikatlong ulit na paghaharap ng negotiating panels ng pamahalaan at National Democratic Front sa Roma. May kasunod pang pag-uusap sa buwang ito.
Sinabi ni G. Duterte na sa pagkawala ng maraming kawal sa nakalipas na dalawang araw, naniniwala siyang wala nang patutunguhan ang ceasefire. Inutusan na umano niya ang mga kawal na bumalik na sa kanilang mga kampo, maglinis ng kanilang sandata at maghandang makipaglaban. Idineklara ni Pangulong Duterte ang ceasefire sa panig ng pamahalaan sa kanyang unang State of the Nation Address noong ika-25 ng Hulyo 2016.
Pinawalang-saysay niya ito noong ika-30 ng Hulyo matapos hindi makapagdeklara ng ceasefire ang panig ng mga rebeldeng komunista. Sabay na nagdeklara ng ceasefire ang magkabilang-panig sa pagpapatuloy ng pag-uusap sa Oslo, Norway noong Agosto ng 2016. Matapos ang unang pag-uusap, lumagda ang magkabilang panig sa isang indefinite ceasefire agreement.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |