|
||||||||
|
||
Mga pulis na nawala matapos ang pagtatalaga sa Basilan, hinahanap
MGA NAWAWALANG PULIS, SINUSUBAYBAYAN NA. Tiniyak ni Police Director Oscar Albayalde, director ng National Capital Region Police Office, na sinusubaybayan na nila ang mga pulis na tumangging magpadestino sa Basilan. May 203 ang kanilang hinahanap ngayon. May 49 na nakapagpaliwanag sa hindi pagsabay sa panibagong destino, dagdag pa ni Director Albayalde. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Police Director Oscar D. Albayalde, pinuno ng Philippine National Police sa National Capital Region na hinahanap na ng kanilang tanggapan ang mga tauhang kinilalang ililipat sa Basilan na hindi sumipot sa takdang paglalakbay.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga pinuno ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, sinabi ni Director Albayalde isinailalim na ang may 203 mga alagad ng batas sa surveillance sapagkat kinikilala silang AWOL o may Absence Without Official Leave.
Mula sa 310 pulis na ipinadadala sa Basilan noong isang buwan, 58 ang sumunod sa kautusan samantalang ang 49 ay mayroong sapat at makatarungang dahilan tulad ng pagkakaratay sa karamdaman at pananatili sa mga pagamutan, magreretiro na at nasa non-duty status na samantalang ang ilan ay may mga obligasyon sa hukuman tulad ng pagdalo sa mga paglilitis.
Inamin din ni Director Albayalde na pinakamaraming drug addict sa Maynila at Quezon City. Isang malaking problema kung paano matutustusan ang pangangailangan ng mga sumuko sapagkat mangangailangan ng pagkain, hanapbuhay at ibayong pagkalinga ang mga nais magbagong-buhay.
Binanggit din ni Director Albayalde na ang Quezon City sa pamamagitan ng kanilang Peace and Order Council ang tumutugon sa pangangailangan ng mga sumuko.
Sustainability ang kailangan sapagkat sa malaking rehabilitation center sa Nueva Ecija na kayang tumanggap ng 10,000 drug dependents ay tanging 200 lamang ang nagagamot ngayon.
Umaabot umano sa 265,000 ang mga sumukong drug dependents mula sa Metro Manila mula sa 1.3 milyong sumuko mula sa buong bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |