|
||||||||
|
||
Martial Law sa Mindanao, nararapat suriin
Ito ang panawagan ni Ifugao Congressman Teddy Brawner Baguilat, Jr. sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido. May mga dumulog sa Korte Suprema upang hatulan ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsailalim sa Mindanao sa Martial Law. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA si Ifugao Congressman Teddy Brawner Baguilat, Jr. na kailangang kumilos ang Korte Suprema sa pinakamadaling panahon sa kanilang kahilingan na pawalang-saysay ang idineklarang Martial Law sa Mindanao.
Ayon kay G. Baguilat, kailangang kumilos ang Korte Suprema sapagkat mayroon lamang nakalaang 60 araw para manatili ang batas militar sa alinmang bahagi ng bansa.
Sa idinaos na "Wednesday Roundtable @ Lido," sinabi ni G. Baguilat na walang katuturan ang pahayag ng kapwa niya mambabatas na magkakaroon ng "constitutional crisis" sa kanilang pagdulog sa Korte Suprema.
Sa panig naman ni Bb. Loreta Ann P. Rosales, dating pinuno ng Commission on Human Rights na nakita na ang kasamaan ng Batas Militar noong ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang kalakarang ito noong 1972. Maraming malalagim na bahagi ng kasaysayan ang naganap noon kaya't "never again" ang kanilang panawagan.
Bukod sa malagim na pangyayari sa bansa, ikinabagabag pa ni Bb. Rosales na isa ring biktima ng pang-aabuso noong Martial Law, na isang masugid na tagahanga ni G. Marcos si Pangulong Rodrigo Duterte. Ani Bb. Rosales, nakita ito sa pagpapalibing ng labi ng yumaong diktador kasama ang mga kawal na naglingkod sa bansa sa ilang digmaan.
Dumulog din sa Korte Suprema si dating Senador Wigberto E. Tanada kasama sina Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez, Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Novaliches Bishop Antonio Tobias, Mother Adelaida Ygrubay at dalawang iba pa.
Sa kanilang petisyon, umabuso naman ang Kongreso sa kanilang desisyong huwag nang mag-usapan ang deklarasyon ng Martial Law sa kanilang joint session. Magugunitang nagkasundo na lamang ang mga senador at kongresista sa kanilang hiwalay na sesyon na huwag ng talakayin ang isyu sapagkat tatagal lamang naman ito ng 60 araw. Nawala umano ang pagkakataong pagdebatehan ang mga isyung bumabalot sa Martial Law sa Mindanao, dagdag pa ng mga nagpetisyon.
Naniniwala sina Congressman Baguilat at Bb. Rosales na pagsasamahin ng Korte Suprema ang lahat ng petisyon na diringgin mula sa Martes hanggang sa Huwebes sa New Supreme Court ang mga pagtatanong hinggil sa Martial Law.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |