|
||||||||
|
||
Mga ministro ng tatlong bansa, kailangang magpulong na muli
KAILANGANG MAGPULONG ANG SENIOR OFFICIALS. Sinabi ni Indonesian Foreign Minister Retno Maraud sa isang ambush interview. Anang opisyal ng Indonesia, nararapat ayusin ang mga programa upang masugpo ang terorismo. (Melo M. Acuna)
KAILANGANG magpulong agad ang mga senior official ng tatlong bansa upang mabuo ang mga ipapanukalang nararapat gawin upang masugpo ang terorismo sa rehiyon.
Ito ang sinabi ni Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa isang dagliang panayam kagabi sa pagtatapos ng kanilang pulong sa Conrad Hotel sa Pasay City. Magugunitang dumalo si Malaysian Foreign Minister Dato Sri Anifah Aman at pinamunuan ni Foreign Secretary Alan Peter Cayetano.
Hindi na rin kailangang bumuo pa ng konseho na mangangasiwa sa anumang imumungkahi ng Senior Officials ng tatlong bansa sapagkat mayroon nang lupon na tutugon sa paglaban sa terorismo. Kailangang tumugon kaagad ang tatlong bansa matapos ang naganap sa Marawi City. Kung anuman ang malagom na impormasyon ng tatlong bansa ay ibabahagi sa buong ASEAN sapagkat iisang pamilya lamang naman ang mga bansang kasapi ng 50 taong samahan, dagdag pa ni Ambassador Marsudi.
Matapos ang Senior Officials' Meeting, magpupulong muli ang tatlong kalihim ng ugnayang panglabas sa darating na Oktubre sa Indonesia upang maipasa ang napagkasunduang palatuntunan.
Sa tanong kung gaano kalala ang terorismo sa ASEAN, sinabi ni Minister Marsudi na walang alinmang bansa ang 'di ligtas sa terorismo.
Sa kanilang idinaos na pulong, napag-usapan ang kalagayan na kani-kanilang bansa at pinag-usapan din ang nagaganap sa Syria at sa Iraq. Nagbabahaginan din sila ng kani-kanilang karanasan, dagdag pa ng Indonesian foreign minister.
Isang paraan upang mapigil ang paglaganap ng terorismo sa rehiyon ay ang paghihigpit sa daloy ng salapi sa pamamagitan ng mga bangko, dagdag pa ni Minister Marsudi.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |