|
||||||||
|
||
Melo 20170721
|
European Union, nababahala sa pagkawala ng paggalang sa Human Rights
NATAPOS na ang tatlong araw na pagdalaw ng apat na opisyal mula sa European Union.
Sinabi ni Bb. Soraya Post na ang layunin ng kanilang pagdalaw ay ang maghanap ng mga impormasyon at makipagpalitan ng mga pananaw at makita ang tunay na larawan ng nagaganap sa Pilipinas. Bahagi rin ng kanilang pagdalaw ang pagpaparating ng kanilang nabatid sa iba't ibang sektor sa daigdig.
Responsibilidad na buong daigdig ang kawalan ng paggalang sa Karapatang Pangtao, dagdag pa ni Bb. Post.
Dumalaw din ang apat na opisyal kay Senador Leila de Lima na nakabimbin sa Campo Crame. Nanawagan ang Members of the European Parliament sa pamahalaan ng Pilipinas na tiyaking magiging patas ang paglilitis. Kailangan din siyang payagang makaboto sa mga magaganap na konsultasyon sa Senado.
Samantalang kinikilala ng delegasyon ang programa ng pamahalaan upang malutas ang problema sa droga, mahalaga ring maibsan ang kahirapan at matiyak na may palatuntunan para sa pag-aaral ng kolehiyo, pagasta sa programang pangkalusugan at pagpapatuloy ng peace process.
Nabahala rin ang lupon sa extra-judicial killings at ang posibleng pagpapahaba ng Martial Law, Ikinababahala rin nila ang panukalang ibaba ang criminal responsibility mula sa 15 hanggang makarating sa siyam na taong gulang. Wala ring halaga ang pagbabalik ng parusang kamatayan.
Kailangan ding mahiwalay ang sinasabing lehitimong operasyon ng mga autoridad sa nababalitang extra-judicial killings. Kailangan din ang masiglang prevention at rehabilitation mechanisms sa buong bansa.
Samantalang nasa Pilipinas, nakaharap ng lupon sina Secretary Ramon Lopez ng Trade and Industry, Silvestro H. Bello ng Department of Labour and Employment at Foreign Secretary Alan Peter Cayetano. Nakausap din nila sina Senate President Aquilino Pimentel III, Senador Risa Hontiveros at Arsobispo Socrates Villegas, outgoing president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Ang relasyon ng European Union at Pilipinas ay napapaloob sa Partnership and Cooperation Agreement na nilagdaan noong 2012. Ang mga paninda ng Pilipinas ay makararating sa European Union sa ilalim ng GSP+ at sa pagtatapos ng free-trade agreement negotiation na ang sandigan ay paggalang sa karapatang pangtao.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |