|
||||||||
|
||
BAYAN magdaraos ng kanilang protesta
MAGTITIPON ang mga kasapi sa Bagong Alyansang Makabayan sa huling gabi ng burol sa labi ni Kian delos Santos sa Caloocan City kasabay ng mga protesta at paghiling ng katarungan at pagpapatigil sa madugong kampanya ni Pangulong Duterte laban sa illegal drugs.
Binansagang OFWs4Kian, kumilos ang iba't ibang grupo sa Hong Kong, Estados Unidos, Canada, Australia, South Korea at maging sa Japan. Nagsindi sila ng kandila at nagdala ng mga placard sa Sta. Quiteria Church sa Caloocan at sa Sta. Cruz Church sa Maynila.
Nagkaroon din ng mga protesta kasabay ng pagsisindi ng kandila sa UP Diliman, UP-Manila, Polytechnic University of the Philippines, EARIST, UST at sa kahabaan ng Katipunan Avenue.
Sa isang pahayag, nanawagan ang BAYAN sa mga mamamayan na lumahok sa libing bukas at nanawagan din na panagutin ang may kagagawan ng madudugong insidente sa bansa. Pinapapanagot din nila ang Commander-In-Chief na sumuporta sa mga pagpatay. Nakikiisa ang Bayan sa pamilya ni Kian at mga biktima ng makapasistang kampanya laban sa illegal drugs.
Nilalabusaw umano ng pamahalaang Duterte ang isyu sa pamamagitan ng walang katuturang pahayag ng Department of Justice at Philippine National Police. Pinag-iisa umano ang tugon ng pamahalaan upang mailayo sa tunay na isyu ng mga mamamayan laban sa extrajudicial killings sa kanilang kampanya laban sa illegal drugs.
Makikipaglibing ang Bayan at magsasama-sama sa pook malapit sa Sta. Quiteria Church hanggang sa makarating sa La Loma cemetery.
Idinagdag pa ng Bayan na hindi tamang solusyon ang pakikidigma ni G. Duterte sa droga. Madaragdagan ang mga bangkay na matatagpuan subalit 'di mapipigil ang pagkalat ng illegal drugs. Ang pinagmumulan ng illegal drugs na kinabibilangan ng mga nangungunang opisyal ng pamahalaan, ay 'di pa nagagalaw. Mayroon umanong malawakang pagpupuslit ng illegal drugs na nagaganap dahil sa mga tiwaling opisyal ng Bureau of Customs.
Napatay si Kian Loyd Delos Santos sa isang police operation noong nakalipas na Miyerkoles, ika-16 ng Agosto.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |