|
||||||||
|
||
Bagyong Jolina papalapit na sa Aurora
MAKAKAPAL NA ULAP NA NAGBABADYA NG ULAN. Kuha ang larawang ito sa may Rizal Park bago sumapit ang ikalima ng hapon. Nagbabadya ng matagal at tuloy-tuloy na pag-ulan dala ng habagat na lumakas dahil sa bagyong "Jolina." (Melo Acuna)
MANILA CATHEDRAL AT INTRAMUROS DUMILIM. Dala ng makapal na ulap ang pagbabago ng kulay ng himpapawid sa Maynila. Inaasahang tatama sa lupa si "Jolina" ngayong gabi kaya't bukod sa maulan, mabagal na rin ang daloy ng mga sasakyan. (Melo M. Acuna)
NAKITA ng mga dalubhasa ng PAGASA ang mata ng bagyong "Jolina" na may international name na Pakhar ay nasa layong 110 kilometro, timog, timog-silangan ng Casiguran, Aurora. Kumikilos ito ng 19 kilometro bawat oras sa direksyon ng kanluran-hilangang-kanluran.
May lakas pa itong 65 kilometro bawat oras at pagbugso na hanggang 80 kilometro bawat oras. Nakataas ang Storm Signal Number 2 sa Isabela, northern Aurora, Quirino, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Sur, Benguet, Abra at Nueva Vizcaya.
Nakataas ang Storm Signal No. 1 sa Cagayan kasama ang Babuyan Group of Islands, Apayao, La Union, ibang bahagi ng Aurora, Ilocos Norte, Nueva Ecija, Pangasinan, hilagang Quezon kabilang ang Polillo Island, Catanduanes, Camarines Norte at Camarines Sur.
Higit pa itong lalakas bago tumama sa lupa sa pagitan ng Isabela at Aurora ngayong gabi. Inaasahan ang banayad at malakas na buhos ng ulan sa kalakhang bahagi ng Luzon. Pinaalalahanan ang mga mamamayan na mag-ingat sa baha at pagguho ng lupa.
Mapanganib din ang paglalakbay sa karagatan sa hilaga at silangang bahagi ng Luzon, sa Gitnang Luzon at maging sa timog-silangang Luzon. Tinatayang makalalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo pagsapit ng Sabadong gabi.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |