|
||||||||
|
||
Mga senador, nagtalo sa pahayag na mayroong "Comite de Absuelto"
NAGKABANGGAAN sina Senador Richard Gordon at Antonio Trillanes IV kaninang umaga matapos banggitin ni G. Trillanes na ang senate blue ribbon committee na nagsisiyasat sa sinasabing P 6.4 bilyong halaga ng shabu na ipinuslit papasok ng bansa na ang kanilang kalipunan ay "comite de absuelto."
Ginawa ni G. Trillanes ang pahayag matapos banggitin na giniginipt ng komite ang nakilalang customs "fixer" na si Mark Taguba. Pinagtatanong nina G. Gordon at Vicente Sotto III si Taguba hinggil sa mga ibinayad umano sa "Davao group."
Binanggit ni G. Trillanes na ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Vice Mayor Paolo "Pulong" Duterte at ang kanyang manugang na si Atty. Manases Carpio ang na sa likod ng grupong sangkot umano sa pagpupuslit sa Bureau of Customs.
Si Atty. Carpio ang asawa ng anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte.
Nagkasagutan sina Senator Gordon at Trillanes kaya't sinuspinde ang sesyon. Binanggit ni Senador Trillanes na ang senate blue ribbon committee ay isa nang "comite de absuelto."
Pinakakasuhan ni Gordon si Trillanes ng contempt sa pagsasalita kahit pa suspendido na ang sesyon. Sangayon umano si Trillanes sa kagustuhan ni G. Gordon.
Hindi doon nagtapos ang sagutan ng dalawang mambabatas. Pumagitna si Senador Sotto upang mapaghiwalay ang dalawang nagtatalong mambabatas. Una nang hiniling ni G. Trillanes na alisin na si G. Gordon bilang chairman ng blue ribbon committee.
Sa pagdinig, sinabi ni G. Taguba na nagbayad na siya ng P 8 milyon sa Davao Group na kinausap umano ng isang "Tita Nanie" na mula sa mungkahi ng isang Jojo Bancud na kaibigan ng ama ni Taguba na dating tauhan ng Customs Police.
Nagbayad umano siya ng isang milyong piso sa isang nagngangalang "Jack" bago siya nagtungo sa Davao upang makilala ang isang "Small" noong nakalipas na Enero. Unang kinilala si "Small" ni G. Trillanes na si Davao City Councilor Nilo Abellera, Jr.
Magpapatuloy pa rin ang pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersyal na pagkakapasok ng kontrabando sa Pilipinas na nagkakahalaga ng P 6.4 bilyon noong nakalipas na Mayo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |