|
||||||||
|
||
melo20170905.mp3
|
Tatlong pulis, tikom ang bibig sa imbestigasyon ng Senado
HINDI sumagot sa mga direktang tanong ng mga senador ang tatlong pulis na pinaniniwalaang may kinalaman sa pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos noong nakalipas na buwan.
Direktang tinanong ni Senador Risa Hontiveros si Police Officer 3 Arnel Oares kung bakit niya pinatay ang biktima at sumagot na lamang na kanyang gagamitin ang itinatadhana ng batas na hindi magsasalita kung makasasama sa kanyang personal na interes. Tinanong muli ng mambabatas si Oares kung saan niya pinaputukan ang biktima at ginamit muli ng pulis ang kanyang karapatan.
Ipinaliwanag ni Oares na samantalang may usapin na sa Department of Justice laban sa kanya at mga kasama, mananatili na lamang tikom ang kanyang bibig. Tumanggi ring sumagot sina Police Officers 1 Jerwin Cruz at Jeremias Pereda sa mga tanong ng mambabatas.
Diringgin ang reklamo laban sa mga pulis sa Department of Justice sa ika-12 at ika-19 ng Setyembre. Kasama sa akusado si Chief Inspector Amor Cerillo.
Akusado ang apat sa kasong murder, paglabag sa Article 128 ng Revised Penal Code at pagtatanim ng ebidensya sa ilalim ng Section 29 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
May hiwalay na reklamong murder at torture mula sa pamilya delos Santos sa pamamagitan ng Public Attorney's Office. Pinabulaanan ng mga saksing nakipagbarilan si Kian Loyd sa mga pulis.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |