|
||||||||
|
||
Pamahalaan ng America, nagpadala ng makabagong drone sa Mindanao
ISANG GRAY EAGLE, IPINAGKALOOB SA PILIPINAS. Makikita sa larawan ang makabagong kagamitan sa surveillance ng Armed Forces of the Philippines. Mula sa Estados Unidos ang gamit na ito. (US Embassy Photo)
PILIPINAS NAGPASALAMAT. Sinabi ni Brig. General Restituto Padilla na malaking bagay ang magagawa ng makabagong gamit na mula sa America. Dumaan umano sa proseso ang donasyon at pumasa sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines. (File Photo/Melo Acuna)
IPINADALA ng Pamahalaan ng Estados Unidos ang isang "Gray Eagle Unmanned Aircraft Systems" sa Mindanao upang magkaroon ng dagdag na kakayahan sa larangan ng pagmamanman at matulungan ang Armed Forces of the Philippines sa pagsugpo ng terrorismo.
Sa isang pahayag ng Embahada ng America sa Maynila, sinabing ang Gray Eagle ay mas mahabang makapaglalakbay at mas malawak ang masusuring mga pook. Makabago ito kaysa mga ginagamit ng iba't ibang bansa sa rehiyon.
Nakapagpadala na ang Estados Unidos sa nakalipas na tatlong taon ng mga kagamitang nagkakahalaga ng P 15 bilyon upang magkaroon ng mas mabuting command, control, communications at iba pang mahahalagang bagay sa sandatahang lakas.
Ang pinakahuling ibinigay ng Amerieca ay ang isang Raven tactical UAS at dalawang Cessna 208B surveillance aircraft at iba pang mga kagamitan upang pakinabangan ng mga kawal ng pamahalaan.
Makatutugon ang America sa pangangailangan ng Pilipinas, dagdag pa ng pahayag.
Samantala, nagpasalamat si Brig. General Restituto Padilla, ang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines sa pinakahuling kagamitang ipinagkaloob sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni General Padilla na makatutulong ng malaki ang kagamitang ito sa pagmamanman sa mga kalaban ng pamahalaan.
Ang donasyon ay dumaan sa proseso ng Department of National Defense at maging ng Armed Forces of the Philippines.
Nabatid rin kay General Padilla na ang sagupaan sa Marawi City ay umabot na sa ika-112 araw ngayong Lunes at ikinasawi na ng may 655 mga kasapi ng Maute, 145 mga kawal at pulis at maging ng 45 mga sibilyan.
Tuloy pa rin ang opensiba ng pamahalaan laban sa mga armado sa Marawi City.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |