|
||||||||
|
||
Pahayag na walang namatay sa Dengvaxia, pinabulaanan
AMA NG NASAWING BATA, LUMUTANG. Ipinaliwanag ni Nelson De Guzman, (nakatayo), ama ni Christine Mae, 11 taong gulang, na nais noyant managot ang mga nagpatupad ng pagbabakuna. Binakunahan ang kanyang anak noong Abril 2016 at pumanaw noong Oktubre 2016. Walang medical history ng dengue ang biktima.
WALANG katotohanan ang pahayag ng ilang sektor na walang namatay sa pagbabakuna ng Dengvaxia sa mga kabataan noong Abril ng 2016.
Sa isang press briefing, sinabi ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta na may nadokumento nang dalawang bata na nasawi matapos mabakunahan ng Dengvaxia sa ilalim Dengue School-based Immunization ng Department of Health.
Sinabi ni Nelson de Guzman, isang tricycle driver na mula sa Mariveles, Bataan, na nabakunahan ang kanyang anak na si Christine Mae de Guzman noong nakalipas na ika-6 ng Abril 2016. Pagsapit ng ika-11 ng Oktubre, dumaing ang bata na malubhang pananakit ng ulo at pagkakaroon ng mataas na lagnat.
Isinugod nila ang pasyente sa Bataan General Hospital noong ika-14 ng Oktubre at pumanaw noong ika-15 ng Oktubre 2016. Ani G. de Guzman, nais niyang managot ang nagpatupad ng pagbabakuna.
Nasawi rin ang isang 10-taong gulang na nagngangalang Angelica Pestillos ang nasawi noong ika-anim ng Disyembre. Ang dalawang bata na nabakunahan ay walang anumang medical history na nagkaroon sila ng dengue.
Ayon kay Dr. Erwin Erfe, pinuno ng PAO Forensic Service, nasuri nila ang medical records at mga larawan na magpapatunay na nagkaroon ng dengue ang mga biktima.
Inatasan na rin ang Public Attorney's Office ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na tulungan ang lahat ng mga biktima ng Dengvaxia vaccine sa kanilang pangangailangang legal.
Napapaloob ang kautusan sa isang Memorandum na inilabas noong nakalipas na Martes, ika-12 ng Disyembre.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Acosta na alertado na nila ang kanilang mga tauhan sa mga rehiyon na ginawan ng malawakang pagbabakuna. Handa na rin silang tumulong sa paggawa ng mga sinumpaang salaysay ng mga magulang ng mga nabakunahan, dagdag pa ni Atty. Acosta.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |