Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Dokumentaryo hinggil sa Pilipinong Sultan na nakahimlay sa Tsina, isinasagawa ng PBS-RTVM

(GMT+08:00) 2017-12-21 16:27:04       CRI

Dumalaw kamakailan sa himpilan ng Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina ang ilang miyembro ng Presidential Broadcast Staff – Radio Television Malacanang (PBS-RTVM), upang makipagpalitan ng pananaw at kuru-kuro at matuto sa mga pag-unlad na nakamit ng Tsina sa larangan ng media at pamamahayag. Nakapanayam din po ng inyong lingkod si Jayvee James Cosico, ang team leader ng grupo ng PBS-RTVM.

Sinabi niyang nagpunta sila sa Tsina upang gumawa ng dokumentaryo tungkol sa buhay ni Sultan Paduka Pahala, ang Sultan ng Sulu na nakahimlay sa Dezhou, lalawigang Shandong, gawing silangan ng Tsina.

Ani Cosico, layon ng dokumentaryong ito na ipaalam sa lahat ng Pilipino sa buong mundo kung gaano na katagal at katibay ang relasyong Pilipino-Sino.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, mas mapapalalim at lalo pang mapagtitibay ang pagkakaunawa ng mga mamamayan ng Pilipinas at Tsina sa isa't-isa, aniya pa.

Si Sultan Paduka Pahala ay ang matalik na kaibigan ng Emperador Yongle ng Ming Dynasty ng Tsina (1368 A.D.—1644 A.D.). Siya ay nakalibing sa probinsyang Shandong ng Tsina at magpahanggang ngayon, binabantayan pa rin ng kanyang mga inapo ang musoleong ipinatayo para sa kanya ng Yongle Emperor ng Dinastiyang Ming.

Ang libingan ni Sultan Paduka Pahala ng Sulu ay isang patunay at testimonya sa di-natitinag at di-nagmamaliw na pagkakaibigan ng mga Tsino at Pilipino, sa loob ng libu-libong taon.

Ayon sa mga datos ng Tsina, dinalaw ni Sultan Paduka Pahala ang Emperador Yongle ng Ming Dynasty noong 1417.

Mainit na pagtanggap ang isinalubong ng emperador Tsino sa sultang Pilipino at kanyang delegasyong binubuo ng ilang daang katao, at 27 araw siyang nanatili sa Beijing.

Pabalik na sana sa Pilipinas ang sultan nang bigla siyang nagkasakit at namatay pagdating sa Dezhou, siyudad sa lalawigang Shandong, dakong silangan ng Tsina, noong ika-13 ng Setyembre, 1417.

Nabalitaan ng emperador ang pagkawala ng kanyang kaibigan, at lubha niya itong ikinalungkot.

Para parangalan ang Pilipinong sultan, inatasan ng Yongle Emperor ang kanyang mga opisyal na bigyan ng isang marangya at pang-estadong libing ang kaibigan.

Kinilala ng Emperador Yongle ang kanyang kaibigan bilang isang matalino at mababang-loob na tao. Higit sa lahat, pinahalagahan niya ang ginawa ni Sultan Paduka Pahala sa higit pang pagpapahigpit ng pagkakaibigan ng dalawang nasyon.

Inatasan din ng emperador ang kanyang mga tauhan na maglagay ng mga palamuti tulad ng mga inukit sa batong mga tao, kabayo at mga tupa sa katimugang bahagi ng kanyang puntod. Sa ganitong paraan, maihahalintulad ang puntod ng Pilipinong Sultan sa puntod ng mga prinsipeng Tsino.

Kasama ni Sultan Pahala sa pagdalaw sa Tsina ang kanyang maybahay na si Reyna Kamulin at tatlong anak na lalaki. Matapos ang libing ng Sultan, ang kanyang panganay na anak na lalaki, na si Rajah Baginda ay bumalik sa Sulu upang halinhan ang ama.

Si Reyna Kamulin, ang pangalawang anak na si Prinsipe Wen at pangatlong anak na si Prinsipe An, at kanilang mga kawal ay naiwan at nanirahan sa Dezhou upang bantayan ang puntod ng yumaong sultan.

Binigyan din ng pabuya at lupain ng Ming Dynasty ang mga naulila. Kasabay nito, pinadalhan din sila ng karagdagang mga kawal upang bantayan ang puntod.

Sa panahon ng panunungkulan ng Emperador Shenzong noong 1573 hanggang sa mapalitan ng Emperador Xizong noong 1627, isang mosque ang itinayo sa pook na ito.

Hanggang ngayon, pinapangalagaan at pinapaganda pa rin ang libingan ng sultan ng Sulu. Ginawan na rin ng libingan sina Reyna Kamulin at dalawang anak na sina Prinsipe Wen at Prinsipe An.

Sa paglipas ng panahon, ang mga inapo ng Pilipinong sultan ay gumawa rin ng kontribusyon sa kalayaan at pagtatanggol ng Tsina laban sa mga Hapones noong World War II. Mahalagang papel ang ginampanan ng mga inapo ni Sultan Paduka Pahala sa lipunang Tsino.

Sa labas ng daan patungo sa libingan ng Pilipinong sultan, makikita ang isang mosque na pinaglilingkuran ng kanyang mga inapo na sina An Fengdong at Ahung.

Ang musoleong itinayo noong 1417 ay may sukat na halos lima't kalahating ektarya. Ang grand mausoleum ay may taas na higit sa apat na metro at may lawak na 16.6 metro.

  

 

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>