|
||||||||
|
||
20180118Snow.mp3
|
Mga kaibigan, kasalukuyan ngayong taglamig sa Tsina, at halos lahat ng bahagi ng bansa ay may average na temperatura na -4 hanggang -8 degrees celcius.
Alam ko pong para sa karamihan sa ating mga Pinoy, hindi natin lubos maisip kung gaano kalamig ang mga temperaturang ito. Sa totoo lang, sa bandang hilagang silangan Tsina, tulad ng mga probinsyang Liaoning, Jilin, at Heilongjiang, ang temperatura ay nasa mga -20 degrees celcius.
Gaano kalamig ang -20 degrees celcius? Isipin po ninyo na kayo ay magbubuhos ng manit na tubig sa labas ng inyong bahay: ang kumukulong tubig na inyong ibubuhos ay magiging yelo bago pa man bumagsak sa lupa. Ganyan po kalamig ang temperaturang iyan.
Naging usap-usapan kamakailan sa Chinese social media ang pambihirang determinasyon at kuwento ng isang batang lalaki upang makapag-aral, sa kabila ng malupit na kondisyon ng taglamig.
Ayon sa ulat, sa gitna ng -9 degrees celcius na lamig, naglakad ang 8 taong gulang na si Wang Fuman sa loob ng mga 1 oras at sa habang 4.5 kilometro upang makasali sa eksaminasyon, sa Zhuanshanbao Primary School sa Xinjie Township, Ludian County, lalawigang Yunnan, Tsina.
Pagdating niya sa eskuwelahan, ang kanyang buhok at kilay ay nagyelo at ito ay umakit ng atensyon ng kanyang mga kamag-aral, guro, at social media. Dahil dito, siya ay tinaguriang "Snow Flake Boy."
"The child is cute. When he arrived in class, he pulled a funny face at his classmates, making them laugh," ani Fu Heng, Prinsipal ng eskuwelahan, sa kanyang kanyang panayam sa People's Daily.
Dagdag ni G. Fu, ang araw na iyon ay unang araw ng pinal na eksaminasyon at biglaang bumaba ang temperature sa loob ng kalahating oras, habang naglalakad papuntang eskuwelahan ang batang si Wang Fuman.
Ayon sa social media site na Pear Video, nakatira si Wang Fuman sa isang bahay na gawa sa luwad, sa lugar na kung tawagin ay Ludian, kasama ang kanyang lola at ate.
Ang kanyang ama ay isang migrant worker at nasa ibang lunsod upang maghanap-buhay, at siya ang sumusuporta sa buong pamilya, samantalang inabandona naman sila ng kanyang ina.
Sa kanyang panayam sa Pear Video, sinabi rin ng bata na maliban sa pagpupursige sa eskuwela, tinutulungan din niya ang kanyang lola sa pagsasaka, kaya naman napakagaspang ng kanyang mga kamay.
Idinagdag pa niyang nangungulila siya sa kanyang ama, dahil ilang buwan na niya itong hindi nakikita.
Dahil sa kanyang kuwento, maraming netizen ang nabagbag ang loob, at umagos ang donasyon upang siya ay matulungan.
Isiniwalat kamakailan ng Yunnan Youth Development Foundation na tumanggap ito ng donasyon para kay Wang at para sa kanyang eskuwelahan.
Inanunsyo ng naturang foundation na nakatanggap ito ng 2,159,100.58RMB o mga 300,000USD at gagamitin ang pondong ito upang tulungan si Wang at ilan pang mga kagaya niya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |