|
||||||||
|
||
20180123melo.m4a
|
Pilipinas, ikatlo mula sa Tsina at Viet Nam
EKONOMIYA NG PILIPINAS, LUMAGO. Ito ang ibinalita ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia sa isang press briefing kanina. Pangatlo ang Pilipinas sa pinakamauunlad na bansa sa Asia, dagdaga pa siya. Nangunguna pa rin ang Tsina at pangalawa naman ang Viet Nam. (Melo M. Acuna)
LUMAGO ang ekonomiya ng Pilipinas sa pagkakaroon ng 6.6 percent growth sa ika-apat na kwarter ng taong 2017 at nakamtan ang pangkalahatang 6.7 percent economic growth sa buong taon.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia, ang manufacturing, trade at real estate, renting at buysiness activities ang nagpasigla ng ekonomiya sa ika-apat na kuwarter ng taong nakalipas.
Sinabi ni Secretary Pernia na pangatlo ang Pilipinas sa Tsina na nagkaroon ng 6.9% growth at Viet Nam na nagkamit naman ng 6.8% growth.
Ayon kay National Statistician at Civil Registrar General Lisa Grace S. Bersales na kabilang sa mga sektor na nagpasigla ng ekonomiya ang industria na nagkaroon ng 7.3% growth at sinundan ng services na nagtamo ng 6.8%. Lumago rin ang sektor ng pagsasaka ng may 2.4% mula sa pagbaba mula sa 1.3% noong huling kwarter ng 2016.
Higit sa 56,000 katao, nasa evacuation centers na
PAGLILIKAS NG MGA TAGA-LEGAZPI, PINAMUNUAN NI MAYOR ROSAL. Pinamunuan ni Mayor Noel E. Rosal (nakaputing polo) ang paglilikas sa may 11,000 mga taga-Legazpi City na nasa paanan ng Bulkang Mayon. Balık sa evacuation center ang mga taga-Legazpi matapos lumala ang laga ng bulkan. (Melo M. Acuna)
UMABOT na sa 56,200 katao mula sa 46 na barangay sa paligid ng Bulkang Mayon ang pansamantalang naninirahan sa 46 na evacuation center sa lalawigan ng Albay matapos palakihin ng mga siyentipiko ang "danger zone" sa walong kilometro.
Sa isang pahayag kaninang umaga, sinabi ng PHIVOLCS na nagkaroon ng mga pagdaloy ng mainit na usok sa Miisi, Bonga, Buyuan, Basud, San Andres, Buang at Anoling kasama na ang maliliit na ilog may apat na kilometro mula sa bibig ng bulkan.
Magugunitang ang mga barangay na ito ay saklaw ng permanent danger zone. Sa pagsabog ng bulkan kahapon, natangay ang abo at nakarating mula sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Oas at Polangui tulad na rin ng Ligao City at maging sa Iriga City sa Camarines Sur.
Nagkaroon ng limang malalakas subalit magkakahiwalay na paglabas ng kumukulong putik na tumagal ng mula tatlo hanggang 30 minuto. Ang paglabas ng kumukulong putik ay umabot pa sa 500 hanggang 700 metro at naging dahilan ng pagyabong ng usok na nagtataglay ng abo mula sa dalawa't kalahati hanggang tatlong kilometro. Nakita rin ang pagdaloy ng kumukulong putik sa Miisi at Bonga gullies.
Nagkaroon din ng dalawang explosion-type earthquake na pinagmulan ng vertical column eruptions.
Sa Legazpi City, pinamunuan ni Mayor Noel Rosal ang paglilikas sa higit sa 11,000 katao sa paanan ng bulkan. Magugunitang pinauwi ni Mayor Rosal ang mga evacuee matapos payuhan ni Phivolcs Director Renato Solidum ang mga taga-Legazpi City na wala sila sa permanent danger zone.
Ang mga inilikas ni Mayor Rosal ay naninirahan sa pitong evacuation centers.
Inamin naman ni Dr. Cedric Daep, pinuno ng Albay Public Safety and Emergency Management Office na ang salaping kanilang ginagamit ay mula sa kanilang "savings" sapagkat wala pang inilalabas na pondo ang pamahalaang pambansa.
Sa isang panayam sa pamamagitan ng telepono, sinabi ni Dr. Daep na napapanahon na ang paglalabas ng salapi mula sa Internal Revenue Allotment ng lalawigan.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito, umabot na ang 14,241 pamilya ang na sa iba't ibang bahagi ng lalawigan ng Albay.
Ambassador ng Pilipinas, pinagpapaliwanag ng Kuwait
IPINATAWAG ng Kuwaiti foreign affairs ministry si Ambassador Renato Pedro Villa, Jr. at kinausap ni Assistant Foreign Minisgter Sami Abdulaziz Al Hamad hinggil sa desisyon ng Pilipinas na huwag magpadala ng mga manggagawa sa mayamang bansa.
Ayon sa Administrative Order No, 25 mula sa Department of Labor and Employment noong nakalipas na Biernes, suspendido muna ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait. Wala munang pagpoproseso ng Overseas Employment Certificate.
Walang anumang gagawing pagpoproseso hanggang hindi natatapos ang pagsisiyasat sa pagkasawi ng pitong manggagawa sa Kuwait noong nakalipas na taon.
Sinabi ni Ambassador Villa na ang pagbabawal sa mga magtutungo sa Kuwait sa unang pagkakataon at hindi magkakaroon ng epekto sa mga nagbabakasyong manggawa o mayroong mga may kontrata.
Hindi umano makatutulong sa interes ng dalawang bansa ang suspension, ayon sa pahayag ni Deputy Foreign Minister Khalid Al-Jarallah. Kailangang pag-usapan ng magkabilang panig ang mga isyung bumabalot sa pagkasawi ng mga manggagawang Filipino.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |