Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Etekite ng Pagkaing Tsino

(GMT+08:00) 2018-02-01 16:42:49       CRI

Mga kaibigan, noong nakaraang episode ay pinag-usapan natin ang tungkol sa 8 uri ng pagkaing Tsino o 8 Chinese Regional Cuisines. Para doon sa mga hindi nakapakinig noong isang linggo, pwede pa rin ninyong mabalikan ang episode na ito. Mag-log-on lamang sa filipino.cri.cn at hanapin ang page ng Dito Lang 'Yan Sa Tsina (DLYST), o di kaya ay magpunta sa filipino.china.com at mapapakinggan ninyo ang episode na ito. Anyway mga kababayan, matapos nating talakayin ang 8 uri ng Chinese cuisines, pag-usapan naman natin ang mga etiketa o etiquette o table manners sa hapag-kainang Tsino.

Tulad ng nabanggit natin noong mga nakaraang episode, ang Tsina at ang sibilisasyong Tsino ay may mahigit 3,000 taong kasaysayan at isa sa mga pinakamatandang sibilisasyon sa mundo na patuloy pa ring umuunlad hanggang sa kasalukuyan. Kaya naman, hindi kataka-taka na nakapagdebelop ito ng maraming kagawian na kakaiba at katangi-tangi. At tulad din ng kulturang kanluranin, may espisipikong kagawian ang mga Tsino pagdating sa hapag-kainan. Ang Chinese dining etiquette ay puno ng mga significant na tradisyon. Ang paraan ng pag-obserba ng isang tao sa mga tradisyon na ito ay sumasalamin sa pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang at lebel ng kanyang edukasyon. Narito ang ilan sa mga tradisyong Tsino sa hapag-kainan:

1. Ang punong-abala o ang host ang dapat mag-order ng pagkain.

Kung ikaw ay isang panauhin, hayaan mong ang iyong host ang mag-order ng pagkain para sa iyo. Bilang pagbibigay-galang, aalukin ka ng iyong host na umorder ng pagkain, pero, bilang pagpapakita ng iyong pagiging maginoo at pagkaalam sa kulturang Tsino, dapat mo itong tanggihan sa mapagpakumbabang paraan at hayaan ang host na mag-order ng pagkain. Para sa maraming tao na lumaki sa kanluran at nagkaroon ng kanluraning edukasyon, medyo mahirap itong intindihin, at siguro maging ilan sa ating mga Pilipino. Pero, isa ito sa mga katangi-tanging karakteristiko ng kulturang Tsino na dapat nating malaman, lalo na kapag tayo po ay nasa Tsina.

2. Maghanda para sa matinding pagkabusog.

Karaniwan nang makikita ang 10 putahe sa hapag-kainang Tsino. Huwag ding magmadali sa pagkain. Dahan-dahan lang; ang paraan ng pagkain sa hapag-kainang Tsino ay maikukumpara sa marathon at hindi sprint

3. Ang pagkain at tsaa ay isinisilbi mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata.

Tulad nating mga Pilipino, ang mga Tsino ay may malaking paggalang sa mga nakakatanda, kaya naman, laging binibigyang priyoridad sa halos lahat ng bagay ang mga may-edad. Ito ay isa sa mga karakteristiko ng kulturang Tsino, at gayundin ng mga Pilipino.

4. Hindi maaring mawala ang tsaa. Ang tsaa ay isa sa mga pambihirang kontribusyon ng Nasyong Tsino sa mundo, at ito ay nagdudulot ng maraming magagandang benepisyo sa katawan ng tao. Itro rin ay isa sa mga simbolong kumakatawan sa kultura ng Tsina. Kaya naman, magpahanggang ngayon, isa itong di-maihihiwalay na bahagi ng hapag-kainang Tsino. Maraming uri ng tsaa, pero, ang karaniwang inihahanda ay berdeng tsaa o green tea.

5. Hawakan ang takip ng tsarera habang ibinubuhos ang tsaa. Ito ang maginoong pagbubuhos ng tsaa at ikinokonsidera bilang tamang paraan at may-kulturang pagbibigay ng inumin.

6. Kumatok sa mesa gamit ang hintuturo at gitnang daliri habang ibinubuhos ang tsaa. Ito ay para ipakita ang pasasalamat sa serbisyong ginagawa. Ang kagawiang ito ay nagsimula sa isang emperador ng Tsina na malimit lumilibot sa emperyo na nakabalat-kayo bilang karaniwang tao. Siya ang nagbubuhos ng tsaa para sa kanyang mga kawal, at dahil hindi maaring ipakita ng mga kawal ang pasasalamat at paggalang sa kanilang emperador, kumakatok sa mesa ang mga ito gamit ang kanilang mga daliri bilang pagpupugay sa kanilang emperador.

7. Para muling lagyan ng tsaa ng mga serbidor ang tsarera, baliktarin ang takip ng tsarera o hayaan itong nakabukas. Sa Tsina, hindi na kailangan pang sabihin na lagyan muli ng tsaa ang tsarera, baliktarin lamang ang takip o iwang nakabukas ang tsarera, at malalaman na ng mga serbidor na kailangan mo muling uminom ng tsaa.

8. Sa tuwing gagawa ng toast o tagay, hawakan ng dalawang kamay ang tasa. Ito ay pagpapakita ng paggalang. Ang paghawak ng isang kamay sa tasa ay simbolo ng pagiging tamad, at kakulangan ng respeto. Pero, kung ikaw ang pinakamatanda sa hapag-kainan, maari mong hawakan ng isang kamay ang tasa, (pagpapakita ng mataas na katayuan ng mas nakakatanda).

9. Kung ikaw naman ay isang imbitado, hayaan mong pagsilbihan ka ng nag-imbita sa iyo. Kung mayroon ka namang inimbitahan, kailangan mo siyang pagsilbihan. Ibig sabihin, kailangan mong lagyan ng tsaa ang kanyang tasa, at lagyan ng ulam ang kanyang plato. Pero, hindi mo sya kailangang subuan

10. Nag-uumpisa ang kainan sa pamamagitan ng sopas. Ang paglalagay ng kondiment o pampalasa ay hindi kagawian sa Tsina, pero, sa mga sopas, kadalasang nilalagyan ito ng suka at puting paminta.

11. Kung walang pansilbing kutsara o serving utensil, gamitin ang bandang likuran ng chopstick o kuai zi para kumuha ng pagkain.

12. Huwag na huwag itusok ang inyong chopstick o kuai zi sa tasa ng inyong kanin. Ito ay ikinokonsidera ng mga Tsino na sobrang garapal dahil ang nakatusok na kuai zi ay parang nakatusok na insenso para sa mga patay.

13. Ang kuai zi ay ginagamit na pang-ipit ng pagkain at hindi pantusok. Ikinokonsiderang garapal ng mga Tsino ang sinumang tutusok ng pagkain, gamit ang kuai zi.

14. Hindi rin pwedeng gamitin bilang pantambol ang inyong mga kuai zi. Ayon sa kagawiang Tsino, mga pulubi lamang ang nagtatambol ng kanilang kuai zi sa tasa. Ito ay ikinokonsidera bilang malas.

15. Huwag halukayin ang pagkain gamit ang kuai zi. Ang paghahalukay ng pagkain ay sumisimbolo sa paghuhukay ng libingan, kaya, ito ay garapal at malas.

16. Parating may isda sa hapag-kainang Tsino. Kapag wala nang laman ang isang gilid, huwag baliktarin. Ang pagbaliktad ng isda ay ikinokonsiderang malas dahil tulad ito ng pagtaob ng bangka at pagbaliktad ng inyong kapalaran. Sa halip na baliktarin, tanggalin ang tinik para makain ang laman sa kabilang gilid ng isda.

17. Tapusin ang lahat ng kanin sa inyong tasa. Tulad din ng mga Pilipino, mahalaga ang kanin para sa mga Tsino, kaya naman, mula sa murang edad, tinuturuan ang mga batang Tsino na huwag mag-aksaya ng kanin.

18. Pagdating ng bill, maghanda sa paligsahan kung sino ang makakakuha nito.

Para sa mga Tsino, isang kawalang-galang ang paghahati ng bayarin, kaya naman kahit bilang isang imbitado, kailangang subukan mong kunin at bayaran ang bill. Lahat ng mga Tsino sa hapag kainan ay tila, magpapaligsahan kung sino ang makakasamsam ng bill para bayaran ito. Ito ay isa sa mga kagawian ng Tsina, na nagpapakita ng paggalang at pag-aaruga sa mga bisita.

19. Huwag mag-expect ng fortune cookie. Hindi po ito imbensyon ng Tsina.

20. Kapag walang natira sa hapag-kainan, ibig sabihin, kulang ang pagkain at hindi maayos ang pagtanggap ng host. Kaya naman, ito'y hindi hahayaang mangyari ng host at talagang mabubusog kayo ng todong-todo kapag nasa hapag-kainang Tsino. Isa ito sa mga kulturang Tsino na nagpapakita ng hospitalidad at pagtanggap sa mga bisita.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>