|
||||||||
|
||
Mga Senador, nagsabing mayroong parliamentary immunity sa mga talumpati sa sesyon
NAGPAHAYAG ang 19 na mambabatas ng mataas na kapulungan sa pamamagitan ng isang resolusyon na mayroong "absolute parliamentary immunity" sa mga talumpati sa Senado. Kailangan itong ipagtanggol at ipagsanggalang, ayon sa mga mambabatas.
Ito ang reaksyon ng 19 matapos kasuhan ng sedition si Senador Antonio Trillanes IV ng pamahalaan.
Sa Senate Resolution 697, sinabi nila na hindi mapapanagot ang mga mambabatas sa mga talumpati at pahayag sa Senado, lalo na at mayroong mga debateng nagaganap kahit na sa joint assembly at maging sa committee hearings.
Napapaloob sa Saligang Batas na walang mambabatas na mapapanagot sa mga pahayag at talumpati samantalang may sesyon na nagaganap.
Magugunitang ipinagsakdal ng sedition ng Pasay City Prosecutor's Office si Senador Trillanes sa kanyang talumpati noong nakalipas na Oktubre 2017 na nagtanong sa pagkakaroon ni Pangulong Duterte ng deposito sa bangko na higit sa dalawang bilyong piso.
Kabilang sa mga lumagda sina Minority Leader Franklin Drilon, Senador Paolo Benigno Aquino IV, Francis Pangilinan, Risa Hontiveros, Leila de Lima, Antonio Trillanes IV, Ralph Recto, Sonny Angara, Nancy Binay, Joseph Victor Ejercito, Sherwin Gatchalian, Gregorio Honasan II, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Manny Pacquiao, Grace Poe, Joel Villanueva, Cynthia Villar at Juan Miguel Zubiri.
Hindi pa umano nababasa ni Senate President Aquilino Pimentel III ang resolusyon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |