|
||||||||
|
||
20180326 Melo Acuna
|
TUTOL si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa kahilingan ng may 61 mambabatas na nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang naudlot na peace talks sa National Democratic Front of the Philippines.
Magugunitang napapaloob sa House Resolution 1803 na natanggap noong nakalipas na Huwebes sa House of Representatives ang panawagang ituloy ang peace talks. Lumagda sa resolusyon ang mga mambabatas mula sa supermajority, minority, opposition at maging sa Makabayan bloc.
Ayon sa resolusyon, ikinalungkot ng mga nagsusulong ng kapayapaan at religious groups ang pagkakatigil ng peace talks. Nanawagan ang Philippine Ecumenical Peace Platform sa pamahalaan at maging sa NDFP na ituloy ang pag-uusap na pormal na nasimulan noong maluklok si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Secretary Lorenzana sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag na wala siyang nakikitang sapat na dahilan upang bumalik sa negotiating table ang magkabilang panig.
Susunod siya sa kagustuhan ni Pangulong Duterte kung itutuloy pa ang pag-uusap. Maninindigan lamang ang Department of National Defense sa paniniwala nitong huwag nang ituloy ang pag-uusap. Ito ang kanyang binanggit sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa Naval Air Group sa Sangley Point sa Cavite City.
Hihilingin umano niyang makausap si Pangulong Duterte hinggil sa resolusyon ng 61 mga mambabatas. Matapos umano ang kanilang pag-uusap, desisyon na ng pangulo ang mananaig. Sa kanyang personal na pananaw, ayaw na niyang ituloy pa ito.
Wala naman umanong nakamtan sa nakalipas na mga pag-uusap. Nararapat umanong magpakita ng katapatan ang mga rebelde upang matuloy ang pag-uusap. Makikita ito sa pagkakaroon ng "bilateral ceasefire," dagdag pa ni G. Lorenzana.
Kabaliktaran umano ito sa gusto ng mga kabilang sa NDFP sapagkat tuloy ang laban samantalang nag-uusap.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |