|
||||||||
|
||
Pansamantalang pagpapasara ng Boracay, makatutulong sa kalikasan
SINABI ni Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra sa isang press briefing sa Malacañang na asahan na ng mga mamamayan ang magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa Boracay.
Nangungunang paksa at prayoridad nila ang paglilinis sa Boracay, dagdag pa ni G. Gueverra. Ang panandaliang pagpapasara ng Boracay ay higit na makabubuti sa mas matagal na panahon.
Ang pagpapasara ng Boracay ay nasa poder ng pamahalaan. Kasama rin sa kanilang kinikilala ang mga batas na may patungkol sa Kalikasan. Mababatid kung mayroong mga paglabag sa batas sa Boracay, dagdag pa ni G. Guevarra.
Nakatanggap na ng kalatas ang Malacanang mula sa Departments of Environment and Natural Resources, Interior and Local Government at maging sa Turismo na nagrerekomenda ng pagpapasara ng Boracay sa loob ng anim na buwan mula sa darating na ika-26 ng Abril.
May rekomendasyon din ang Department of Trade and Industry na maging sunod-sunod ang pagpapasara ng Boracay at hindi biglaan. Isang mahalagang bagay na kanilang pinag-aaralan ang magiging epekto nito sa ekonomiya, sa kalakal at lahat ng mawawalan ng hanapbuhay. Marahil mangangailangan ang pamahalaang manawagan sa iba't ibang ahensya ng pamahalaan na makiisa sa pagtulong sa mga mawawalan ng trabaho samantalang sarado ang Boracay sa mga turista.
Maaaring magpa-utang din ang pamahalaan sa mga mangangailangan ng salapi sa Boracay.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |