|
||||||||
|
||
Mamamayan, humiling na magkaroon din ng quo warranto case laban kay Associate Justice De Castro
ISANG Jocelyn Marie Acosta ang lumiham at humiling kay Solicitor General Jose Calida na simulan na rin ang quo warranto case laban kay Associate Justice Teresita de Castro kasabay ng pagtatanong kung may sapat bang autoridad ang mahistradong maluklok sa posisyon tulad ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ani Bb. Acosta sa kanyang apat na pahinang liham, bilang isang mamamayan ng bansa at isang nagbabayad ng buwis, hinihiling niya sa solicitor general na magsimula ng quo warranto proceedings laban kay Associate Justice de Castro sa kawalan ng integridad nilang isang miyembro ng Korte Suprema.
Ayon umano sa records ng Judicial and Bar Council, nagsumite lamang si De Castro ng 15 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) sa deka-dekadang paglilingkod sa pamahalaan na nagmula pa noong 1973.
Nararapat umanong mayroong 39 na SALN si Associate Justice de Castro. Magugunitang akusado si Sereno na kawalan ng integridad sa hindi pagsusumite ng ilang SALN sa higit sa 20 taong pagiging propesor sa University of the Philippines-College of Law.
Ipinagtanong ni Calida ang bisa ng pagkakahirang kay Sereno matapos lumiham ang isang suspendidong abogadong nagngangalang Eligio Mallari sa Office of the Solicitor General na nananawagang simulan ang quo warranto proceedings.
Sa liham ni Bb. Acosta, sinabi niyang iyon din ang kanyang dahilan sa paghiling kay Solicitor General Calida na simulan ang quo warranto proceedings laban kay Associate Justice de Castro. Umaasa umano siyang magiging masigasig din si G. Calida sa pagsisimula ng quo warranto proceedings ngayon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |