|
||||||||
|
||
Kasong kriminal at administratibo, ihahain laban kay dating Customs Commissioner Faeldon
INIREKOMENDA ng isang lupong nagsiyasat mula sa Office of the Ombudsman na ipagsumbong si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sanhi ng pagkakapasok sa bansa ng may P 6.4 bilyong halaga ng shabu na nasamsam sa Valenzuela City noong nakalipas na taon.
May sapat umanong ebidensya na kasuhan si G. Faeldon ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, usurpation of official function at paglabag sa Section 32 ng Comprehensive Drugs Act. Mahaharap pa rin siya sa kasong administratibo sanhi ng grave misconduct.
Si G. Faeldon na ngayon ay deputy administrator ng Office of Civil Defense, ay nagtagal ng anim na buwan sa pagkakadetine sa Senado sa hindi pagsasalita sa Senate Blue Ribbon Committee na dumirinig sa isyu sa kargamentong shabu. Napalaya lamang siya noong nakalipas na Marso.
Kasama sa mga ipagsusumbong sina Director Neil Anthony Estrella, Import Assessment Service Director Milo Maestrecampo, Risk Management Office chief Larribert Hilario at Accounts Management chief Mary Grace Tecson Malabed. Kakasuhan sila ng graft.
Kasama rin sina Joel Pinawin at Oliver Valiente sa ipagsusumbong ng grave misconduct.
Walang kasong haharapin sina dating Davao City vice mayor Paolo Duterte, anak ni Pangulong Duterte at Atty. Manases Carpio, pamangkin ni Ombdusman Conchita Carpio Morales. Si Atty. Carpio ang asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Ang rekomendasyon ng lupon ay sasailalim pa sa preliminary inivestigation at tinaguriang administrative adjudication.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |