Kalagayan ng mga Misyonero sa loob at labas ng bansa, paksa bukas
PAG-UUSAPAN sa idaraos na "Wednesday Roundtable @ Lido" ang kalagayan ng mga banyagang misyonero sa loob at labas ng Pilipinas matapos maharap sa posibleng pagpapatapon pabalik sa Australia si Sr. Patricia Anne Fox dahil umano sa panghihimasok sa mga usaping nakalaan lamang para sa mga Filipino.
Makakasama sa talakayan si Sr. Anna Crisvie Montecillo ng Daughters of Saint Anne na napadestino na sa Indonesia. Kasama rin sa palatuntunan si Fr. Jerome Secillano ng CBCP Committee on Public Affairs.
Nakasama ni Sr. Pat sa idinaos na fact-finding mission si dating Agrarian Reform Secretary at Anakpawis Representative Rafael Mariano at makakasama rin sa talakayan bukas.
Kung sakaling maipatapon pabalik sa Australia si Sr. Pat, tatalakayin naman ni dating Ambassador to Palau, Austria at Holy See Jose Apolinario Lozada, Jr. ang magiging epekto nito sa relasyon ng Pilipinas sa Australia at maging sa Holy See.
Magaganap ang talakayan sa Lido Cocina Tsina sa Phoenix Petroleum, Mindanao Avenue sa Lungsod Quezon ganap na ikasiyam ng umaga.
1 2 3 4