|
||||||||
|
||
20180615melo.m4a
|
Desisyong pagpapaliban ng pakikipag-usap sa mga Komunista, kinondena
SA likod ng magagandang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na Martes, sa pagdiriwang ng ika-120 Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite na inaanyayahan niya si Professor Jose Maria Sison upang mag-kausap sa loob ng dalawang buwan nang matuldukan na ang mga sagupaan sa pag-itan ng Armed Forces of the Philippines at New People's Army, nagdesisyon siyang huwag na munang ituloy ang nakatakdang tigil-putukan na sisimulan sa Huwebes, ika-21 ng Hunyo na susunduan ng puspusang pag-uusap sa darating na ika-28 ng Hunyo.
Sinabi ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na inutusan sila ni Pangulong Duterte noong Miyerkoles ng gabi na huwag na munang makipag-usap sa mga Komunista sapagkat nais niyang isama ang mga mamamayan sa konsultasyon.
Ani Ginoong Dureza, kailangang suportahan ng mga mamamayan ang peace process kaya't kailangang isama ang madla sa mga pag-uusap. Magpapatuloy ang pamahalaan sa layunin nitong makamtan ang kapayapaan.
Samantala, sinabi ni Professor Jose Maria Sison, ang chief political consultant ng Nagtional Democratic Front of the Philippines na nakalulungkot at nakasasama ng loob ang dagliang desisyong huwag nang ituloy ang pag-uusap.
May mga nalagdaan nang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front noong ikasiyam ng Hunyo. Sa isang pahayag, sinabi ni G. Sison na lumagda sa panig ng pamahalaan si Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III samantalang si Fidel Agcaoili naman ang lumagda sa panig ng NDF. Sumaksi rin ang Special Envoy ng Royal Norwegian government na si Ambassador Idun Tedvt.
Nanawagan si G. Sison sa magkabilang panig na ilabas ang nilagdaang kasunduan sa madla upang mabatid ang narating ng pagtatangkang magkaroon ng payapang solusyon sa sigalot na tumagal na ng limang dekada.
Intersado lamang si G. Duterte na magipit ang mga armadong grupo sa ilalim ng isang indefinite ceasefire na katatampukan ng paglabag sa mga nilalaman ng Joint Agreement on the Security and Immunity Guarantees o JASIG kaya't idinaraos ang pag-uusap sa isang walang pinapanigang bansa.
Sa kawalan ng interes ni Pangulong Duterte na matapos sa isang kasunduan ang problema, walang magagawa ang mga kabilang sa Communist Party of the Philippines, New People's Army at National Democratic Front kungdi ang paglulunsad ng pakikibaka upang makamtan ang tunay na kalayaan ng mga mamamayan.
Batid ng lahat na isa sa pinakasusi sa pagpapatibay ng kasunduan ang paglagda sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na tataliwas sa kasalukuyang nagaganap sa bansa.
Magugunitang umabot sa 25 hanggang 26,000 ang mga armadong kasapi ng New People's Army noong dekada otsenta. Suportado ang mga armado ng daang libong mga mamamayan sa kanayunan. Ngayon ay sinasabi ng pamahalaan na iilang libo na lamang ang mga armadong mandirigma ng New People's Army.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |