|
||||||||
|
||
20180528 Melo Acuna
|
KAILANGANG mabigyang katarungan ang mga katutubo sa ilalim ng panukalang Bangsamoro Basic Law. Kailangang masusugan ang Senate Bill 1717 upang isama ang mga probisyong kumikilala sa karapatan ng mga katutubo. Ito ang naging panawagan ni Timuay Leticio Datuwata, isang pinuno ng mga Lambangian sa Upi, Maguindanao sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina.
POSISYON NG MGA KATUTUBO IPINALIWANAG. Sinabi ni Timuay Leticio Datuwata na kailangang kilalanin ang mga kanilang mga karapatang nasasaad sa Indigenous People's Rights Act (IPRA) sa panukalang Bangsamoro Basic Law. Naganap ito kanina sa Tapatan sa Aristocrat.
Ayon kay Timuay Datuwata, sa pagtatangka ng mga senador na maipasa ang panukalang batas bago magtapos ang sesyon sa darating na Miyerkoles, kailangang magkaroon ng pagsusog sa panukalang batas upang mapag-usapan sa bicameral conference committee at nang maipasa kaagad. Nais ni Pangulong Duterte na maipasa ang panukalang batas bago sumapit ang ika-30 ng Mayo.
Nabanggit na ni Senate President Vicente Sotto III na kung maipasa ang BBL, may posibilidad na ito na ang maging sandigan para sa regional federal states ng federal regions.
Nanindigan si Timuay Datuwata na kailangang kilalanin at makasama sa Bangsamoro Basic law ang nilalaman ng Republic Act 8371 na kilala sa pangalang Indigenous People's Rights Act.
Kung maipapasa ang Bangsamoro Basic Law na hindi magtataglay ng pagkilala sa karapatan ng mga katutubo, isa na namang malaking kawalan ng katarungan ang magaganap.
MAY PROTEKSYON ANG MGA KATUTUBO. Ito naman ang pahayag ni dating Commission on Human Rights Commissioner Nasser A. Marahomsalic (gitna) sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina. Na sa larawan din si Mabel Carrumba ng Cotabato City (gawing kaliwa).
Sinabi naman ni dating Commission on Human Rights Commissioner Nasser A. Marahomsalic na ang IPRA ay isang pambansang batas kaya't hindi na kailangan pang isama sa panukalang batas para sa mga kabilang sa mga Bangsamoro.
Mayroon naman umanong mga probisyon sa Bangsamoro Basic Law na siyang kumikilala sa mga karapatan ng mga katutubo.
Bagaman, nangangamba sina Timuay Datuwata na may posibilidad na 'di na mapag-usapan ang mga bagong probisyon upang makilala ang mga karapatan ng mga katutubo.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |