|
||||||||
|
||
Pagpapatupad ng batas laban sa illegal small-scale mining, kailangan
NANAWAGAN ang Chamber of Mines of the Philippines sa pamahalaan na mahigpit na ipatupad ang batas laban sa mga illegal na small-scale mining operations sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Chamber of Mines of the Philippines na walang anumang sinusunod na alituntunin ang small-scale mining operators kaya't napapahamak ang mga kawani nito sampu na rin ng mga kamag-anak nila.
Ayon sa samahan, ang small scale mining victims sa Ucab ay bahagi ng illegal na gold mining activities malapit sa isang luma at abandonadong bunkhouse ng Benguet Corporation, isang kasapi ng Chamber of Mines of the Philippines.
Ilang kilometro lamang ang layo nito mula sa Balatoc at Dalicno underground mines sa Itogon. Ilang ulit na umanong lumiham ang korporasyon sa mga naninirahan at nagmimina sa pook na lumisan na dahil sa panganib na idudulot ng posibleng paguho ng lupa.
Sa likod ng pangyayaring ito, nagpadala na rin ang Benguet Corporation at Philex Mining Corporation ng kanilang rescue teams kasama ang mga tauhan ng Mines and Geosciences Bureau sa Cordillera Administrative Region upang lumahok sa paghahanap, paglilikas at pagbawi sa gma naging biktima sa Ucab at sa ilan pang mga pook na kinatagpuan ng pagguho ng ilang bahagi ng bundok.
Walang nabalitang nasawi sa panig ng mga manggagawa sa Benguet Corporation at Philex. Nakahanda rin ang iba pang mga tauhan ng iba pang mga kumpanya sa hilaga at gitnang Luzon upang dumalo sa pangangailangan.
Ayon sa Chamber of Mines of the Philippines, tinatayan ng Mines and Geosciences Bureau na higit sa 60% ng gintong naminina sa Pilipinas ay mula sa small-scale mining operations. Bukod sa hindi pagsunod sa mga alituntunin, napapasapanganib pa ang kalikasan at buhay ng mga mamamayang nagtatrabaho sa mga maliliit at walang regulasyong minahan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |