Sa Ika-75 Pangkalahatang Asambleya ng United Nations (UN) nitong Martes, Oktubre 13, 2020, muling nahalal ang Tsina bilang miyembro ng Human Rights Council, at ang termino nito ay mula taong 2021 hanggang 2023.
Sa isang press release na inilabas ng Misyong Tsino sa UN, taos-puso nitong pinasalamatan ang suporta ng mga kasaping bansa ng UN, at bumati rin sa pagkahalal ng ibang mga miyembro.
Anang press release, laging lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang pagpapasulong at pangangalaga sa karapatang pantao. Gagamitin ng bansa bilang oportunidad ang kasalukuyang pagkahalal, patuloy at buong tatag na kakatigan ang multilateralismo, ipagtatanggol ang simulain ng Karta ng UN, aktibong pasusulungin ang pandaigdigang pagpapalitan at pagtutulungan sa karapatang pantao, malinaw na tututulan ang maling aksyon ng pagsasapulitika at pagsasagawa ng double standard sa isyu ng karapatang pantao, at gagawin ang mas malaking ambag para sa pagpapasulong sa malusog na pag-unlad ng pandaigdigang usapin ng karapatang pantao.
Salin: Vera