Sa regular na preskon nitong Martes, Oktubre 20, 2020, sinabi ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na patuloy na komprehensibong patataasin ng Tsina ang lebel ng pagbubukas sa labas, at pasusulungin ang pagbuo ng bagong kayarian ng pag-unlad na ang mahalagang elemento ay domestic circulation, at maaaring pasulungin ng isa’t isa ang domestic at international circulations, upang ipagkaloob ang mas malawak na pamilihan at pagkakataong pangkaunlaran sa iba’t ibang bansa, at patingkarin ang mas maraming lakas-panulak para sa pagbangon at paglago ng kabuhayang pandaigdig.
Ayon sa datos na isinapubliko nitong Lunes ng Pambansang Kawanihan ng Estadistika ng Tsina, noong unang tatlong kuwarter ng taong ito, lumago ng 0.7% ang kabuhayang Tsino, bagay na nakatawag ng malawakang pansin ng iba’t ibang sirkulo.
Kaugnay nito, isinalaysay ni Zhao na noong unang tatlong kuwarter ng taong ito, lumaki ng 5.2% ang puhunang dayuhan na aktuwal na ginamit ng Tsina, at tumaas ng 0.7% ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng mga paninda. Samantala, walang humpay na pinalakas aniya ng bansa ang konstruksyon ng mga pilot free trade zone, at tumaas na sa 21 ang kabuuang bilang ng ganitong mga sona.
Diin ni Zhao, sa kalagayan ng pagkalat ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo at matumal na kabuhayang pandaigdig, kapansin-pansin ang pagtamo ng kabuhayang Tsino ng ganitong resulta, at nagpatingkad ito ng positibong papel sa pagpapasulong sa pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Vera