“Sa nakikita ko, [ang “dual-circulation” development strategy ng Tsina na] ito ay nagbibigay ng senyales sa Pilipinas, na kahit mayroong pandemiya [ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19)], isa itong paraan para ipagpatuloy ang pag-unlad ng ekonomiya ng Tsina, at hindi lang ang Tsina, kundi ang mga bansa na kasama ng Tsina na tinatawag nating economic partners sa negosyo, sa trade, sa investment, ay sama-sama ring aabante. ”
Ito ang pananaw na inihayag kamakailan sa China Media Group-Filipino Service ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina kaugnay ng pagtutulungang Pilipino-Sino sa ilalim ng bagong estratehiyang pangkaunlaran ng Tsina.
Ang padernong pangkaunlaran na tinaguriang “dual-circulation” ay nakapaloob sa bagong labas na 14th Five Year Plan (2021-2025) ng Tsina.
Sa ilalim ng modelong ito, pasusulungin ng merkadong panloob at mga merkadong panlabas ang isat-isa, at ang merkadong panloob ay magsisilbing pundasyon o “mainstay.”
Ang “dual-circulation” ay magsusulong ng walang-humpay na pagbubukas sa labas at mas magpapahigpit ng pakikipagtulungang panlabas ng Tsina - hindi ito nangangahulungan ng pagsasarado ng pinto o pagkakaroon ng saradong siklong panloob.
Dagdag pa riyan, ang bagong modelo ay hindi lamang para sa pag-unlad ng Tsina, magdudulot din ito ng mas maraming pagkakataong pangkaunlaran para sa iba’t ibang bansa.
Kaugnay nito, ipinalalagay ni Sta. Romana na, layon ng bagong modelong pangkaunlaran ng Tsina na isakatuparan ang sariling pag-unlad at komong pag-unlad, sa kabila ng mga di-inaahasan at di-matatag na elemento na gaya ng COVID-19, unilateralismo at proteksyonismo.
Tiwala aniya siyang sa ilalim ng bagong roadmap ng Tsina, maisasakatuparan ng Pilipinas at Tsina ang magkasamang paglago.
Sa kasalukuyan, ang Tsina ay nananatiling pinakamalaking trading partner, at top export market ng Pilipinas.
Dalawampu’t pitong porsiyento (27%) ng kabuuang pagluluwas ng Pilipinas ay napupunta sa Tsina.
Ani Sta. Romana, ang pagpapalaki ng domestic market ng Tsina ay nangangahulugan ng pagpapasulong ng konsumong panloob at pagtugon sa pangangailangan ng mga mamimiling Tsino, at kasabay nito pangako ng Tsina na ibayo pang magbubukas sa mga merkadong dayuhan, sa iba’t ibang larangang tulad ng negosyo, kalakalan at puhunan.
Mayroon aniya itong mahalagang katuturan para sa Pilipinas, dahil magiging mas malaki ang interaksyon ng ekonomiya ng dalawang bansa.
Mas maraming produkto at mas maraming uri ng mga panindang Pilipino ang maaaring iluwas sa Tsina para tugunan ang pangangailangan ng mga mamimiling Tsino, samantalang inaasahan din ng Pilipinas ang mas maraming puhunan mula sa Tsina, dagdag pa ni Sta. Romana.
Aniya pa, ang katatapos na Ika-3 China International Import Expo (CIIE) ay sumasalamin sa magandang tunguhin ng pag-unlad ng relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng dalawang bansa.
Si Sta. Romana ay nagsilbing puno ng delegasyong Pilipino sa Ika-3 CIIE na idinaos Nobyembre 5-10, 2020, sa Shanghai, metropolis sa dakong silangan ng Tsina.
Apatnampung (40) exhibitor na Pilipino ang lumahok dito, at ipinakita nila ang mga produktong nagtatampok ng katangiang “Healthy and Natural.”
Hinggil dito, sinabi ng embahador, na malaki ang interes ng mga kompanyang Pilipino na magtinda ng mga produkto sa Tsina at marami rin ang mga mamimili’t malalaking kompanyang Tsino na interesadong mag-angkat mula sa Pilipinas.
Ayon sa di-kompletong datos, sa ika-3 paglahok ng Pilipinas sa CIIE sa taong ito, pinirmahan ng Dole China ang $US180 milyong dolyares na procurement commitment para bilhin ang mga prutas ng Pilipinas sa 2021.
Kasabay nito, US$200M na kasunduan ang nilagdaan ng Sinopec Group at Eng Seng Food Products ng Pilipinas.
Samantala, balak naman ng Goodfarmer China na mag-angkat ng mga prutas mula sa Pilipinas na nagkakahalaga ng 25 milyong dolyares sa 2021.
Naniniwala ang sugong Pilipino na maliwanag ang hinaharap para sa relasyong Pilipino-Sino.
Aniya, kung magpapatuloy ang pag-uugnayan at pagkakasundo ng dalawang bansa sa mga patakarang pangkaibigan at pangkooperasyon na umiiral ngayon, lalong uunlad ang relasyon ng Pilipinas at Tsina, at lalong uunlad ang bilateral na relasyong pang-ekonomiya.
Panayam/video: Lito
Ulat: Jade
Pulido: Rhio