Bilang espesyal na kinatawan ni PangulongXi Jinping, dumalo at bumigkas ng talumpati nitong Biyernes, Disyembre 4, 2020 si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sa virtual meeting sa mataas na lebel ng “Kooperasyon ng United Nations (UN) at African Union (AU).”
Sinabi ni Wang na dulot ng pagkalat ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), lumala ang pandaigdigang krisis, bagay na malubhang nakakaapekto sa pag-unlad ng pulitika, kabuhayan, at lipunan ng mga bansang Aprikano, at nahaharap ang kapayapaan at seguridad ng Aprika sa isang serye ng bagong hamon. Dapat aniyang aktibong isagawa ng UN ang mga hakbangin para tulungan ang Aprika sa pagpawi ng mga kahirapan.
Kaugnay nito, iniharap aniya ng panig Tsino ang 4 na mungkahi: una, dapat gawing pokus ang pakikibaka laban sa pandemiya at tulungan ang mga mamamayang Aprikano sa pagtatatag ng linyang pandepensa ng kalusugan; ikalawa, dapat katigan ang mga mamamayang Aprikano sa pagtatatag ng mapayapa at matatag na lupang tinubuan; ikatlo, katigan ang mga mamamayang Aprikano sa pagsasakatuparan ng hangarin ng unibersal na kasaganaan; ikaapat, dapat katigan ang mga mamamayang Aprikano sa pagtatamasa ng bunga ng pagsasaayos ng buong mundo.
Sinabi niya na patuloy na magkakaloob hangga’t makakaya ang Tsina ng suporta sa mga mamamayang Aprikano. Nakahanda ang panig Tsino na magsikap kasama ng Aprika para magkakasamang maitatag ang mas mahigpit na komunidad ng pinagbabahaginang kapalaran ng Tsina at Aprika, dagdag pa niya.
Salin: Lito
Pulido: Mac