Kaugnay ng balak ng Amerika na patawan ng sangsyon ang di-kukulangin sa 12 opisyal na Tsino, inulit nitong Lunes, Disyembre 7, 2020 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na buong tatag na tinututulan at mariing kinokondena ng panig Tsino ang pakikialam ng panig Amerikano sa mga suliraning panloob ng Tsina, sa katwiran ng isyu ng Hong Kong, at pagpapataw ng sangsyon sa mga tauhang Tsino.
Aniya, kung ipagpipilitan ng ilang pulitikong Amerikano ang sariling paninindigan, tiyak na isasagawa ng panig Tsino ang ganting hakbangin, upang ipagtanggol ang soberanya, seguridad at kapakanan ng bansa, at mapangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga tauhang Tsino.
Diin ni Hua, ang desisyon ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina na idiskuwalipika o alisin ang karapatan ng ilang miyembro ng Konsehong Lehislatibo ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) ay ginawa batay sa Konstitusyon, Saligang Batas at Hong Kong national security law. Ito aniya ay kinakailangang aksyon para sa pangangalaga sa rule of law at kaayusang konstitusyonal ng HKSAR. Lehitimo at makatwiran ang aksyong ito, at hinding hindi pahihintulutan ang paghamon dito.
Salin: Vera