Pagtatapos ng talastasan sa kasunduang pampamumuhunan, ipinatalastas ng mga lider ng Tsina at EU

2020-12-31 12:54:52  CMG
Share with:

Pagtatapos ng talastasan sa kasunduang pampamumuhunan, ipinatalastas ng mga lider ng Tsina at EU_fororder_20201231EUXi550

Beijing — Isang pagpupulong sa pamamagitan ng video ang idinaos nitong Miyerkules ng gabi, Disyembre 30, 2020 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, at Chancellor Angela Merkel ng Alemanya, Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya, Presidente Charles Michel ng European Council, at Presidente Ursula von der Leyen ng European Commission.

 

Magkakasama nilang ipinatalastas ang pagtatapos ng talastasan sa kasunduang pampamumuhunan ng Tsina at Europa sa nakatakdang panahon.

 

Ipinagdiinan ng pangulong Tsino, na kasabay ng pagsapit ng taong 2021, bilang dalawang malaking puwersa, pamilihan, at sibilisasyon sa buong daigdig, dapat aktibong umaksyon ang Tsina at Europa.

 

Sinabi ni Xi na kailangang palakasin ang diyalogo, pahigpitin ang pagtitiwalaan, palalimin ang kooperasyon, at maayos na hawakan ang mga alitan para makalikha ng bagong kalagayan ng pag-unlad.

 

Bukod dito, dapat din aniyang magkasamang koordinahin ng dalawang panig ang aksyon ng pakikibaka laban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), magkasamang pasulungin ang pag-ahon ng kabuhayan, i-ugnay ang mga estratehiyang pangkaunlaran, pabilisin ang luntiang pag-unlad, at pasulungin ang multilateral na kooperasyon.

 

Ipinagdiinan ni Xi na ipinakikita ng kasunduang pampamumuhunan ng Tsina at Europa ang determinasyon at kompiyansa ng panig Tsino sa pagpapasulong ng pagbubukas sa labas sa mas mataas na lebel.

 

Ani Xi, ang kasunduang ito ay magkakaloob ng mas malaking market access, mas mataas na lebel ng kapaligirang pangnegosyo, mas malakas na garantiyang pansistema, at mas malinaw na prospek ng kooperasyon sa pamumuhunan ng Tsina at Europa .

 

Diin pa ni Xi, ang kasunduang pampamumuhunan ng Tsina at Europa ay malakas na makakapagpasigla sa pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig sa post-pandemic era.

 

Aniya, ito rin ay makakapagpasulong ng kalakalang pandaigdig, magpapasigla sa liberalisasyon at pagpapaginhawa ng pamumuhunan, at makakapagpalakas sa kompiyansa ng komunidad ng daigdig sa globalisasyong pangkabuhayan at malayang kalakalan - bagay na makakapagbigay ng mahalagang ambag para sa pagtatatag ng bukas na kabuhayang pandaigdig.

 

Ipinahayag naman ng mga lider na Europeo na sa kabila ng epektong dulot ng COVID-19 sa kasalukuyang taon, napapanatili ng Europa at Tsina ang mahigpit na pag-uugnayan sa mataas na antas, at natamo  ang mga mahalagang progreso sa ibat-ibang isyu.

 

Sinabi nila na ang magkasamang pagpapatalastas ng pagtatapos ng talastasan tungkol sa nasabing kasunduan, ay may mahalagang katuturan sa pag-unlad ng relasyong Europeo-Sino.

 

Bukod dito, makakabuti rin anila ito sa pagpapasulong ng pag-ahon at paglaki ng kabuhayang pandaigdig.

 

Ipinagdiinan din nila na bagama’t umiiral ang ilang alitan sa pagitan ng Europa at Tsina, may nagkakaisang mithiing pulitikal ang dalawang panig sa pagpapalakas ng kanilang diyalogo at pagpapalalalim ng kooperasyon sa pundasyon ng paggagalangan sa isa’t-isa para maisakatuparan ang pagkakaroon ng mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta.

 

Salin: Lito

Pulido: Rhio

 

Please select the login method