Pagdating sa space exploration, di maitatanggi ang mga natamong tagumpay ng Tsina sa taong 2020. Sa kabila ng mga problemang dulot ng COVID-19 pandemic, 40 misyong pangkalawakan ang naisagawa ng Tsina.
Kabilang dito ang pagdala pabalik sa Mundo ng Cheng’e-5 lunar probe ng mga sample galing sa Buwan sa kauna-unahang pagkakataon nitong mahigit 40 taong nakalipas, ang paglunsad ng Tianwen-1 Mars Probe at ang pagkompleto at paglunsad ng BeiDou-3 Navigation Satellite System na pinakikinabangan ng 120 bansa.
Kinapanayam ng Serbisyo Filipino ng China Media Group (CMG) ang dalawang Pilipino na kasalukuyang kumukuha ng higher studies sa Tsina upang kunin ang kanilang palagay hinggil sa mga kaganapang ito.
Sinabi ni Ramil Santos, Ph.D candidate sa Flight Vehicle Design, School of Astronautics, Beihang University, na sa kabuuan, ang lahat ng mga programang nakalista sa Top 10 balitang pang-agham at teknolohiya ng Tsina na kinalap ng CMG, ay naghahangad na “Makamit ang biggest goal na makatuklas at makabuo ng iba pang makabagong teknolohiya na makakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan.”
Si Ramil Santos
Layunin din ng mga ito na pagaanin ang pamumuhay ng mga tao gaya ng pang-ekonomiya at pangkalakalan. Madaling makakuha ng datos at mapag-aaralan ang klima upang makapagbigay ng tamang ulat-panahon para makapaghanda sa darating na panganib, dagdag pa ni Santos.
Si James Karl Aguillon ay kumukuha ng Masters in Airworthiness Technology and Management sa Nanjing University of Aeronautics and Astronautics.
Ani Aguillon ang tagumpay ng mission ng Chang’e-5 ay isang malaking balita. Ang mga moon samples na dinala pabalik ay metikulosong pag-aaralan ng mga ekspertong Tsino gamit ang sulong na teknolohiya upang makakuha ng karagdagang impormasyon at data hinggil sa Buwan. Para sa kaniya, malaking bagay ang katotohanan o realidad na ito ay bunga ng teknoholiyang Tsino.
Si James Karl Aguillon
Ayon sa Outer Space Treaty, ang mga yaman sa outer space ay komong yaman ng sangkatauhan. Ipinangako ng Tsina na ibabahagi sa mga siyentistang dayuhan ang datos at lunar samples na kinuha ng Chang’e-5 Lunar probe.
Palagay ni Aguillon, ang sangkatauhan ay kasalukuyang nasa gitna ng pananaliksik at ang misyon ay hakbang papalapit tungo sa hangaring makakalap ng mas maraming kaalaman. Ang tagumpay na ito ay nangangahulugan din ng mas marami pang misyon na isasagawa ng mga siyentista at mananaliksik na Tsino sa hinaharap, aniya pa.
Bukod dito ikinatuwa rin niya ang balitang kumpleto na ang BeiDou Navigation Satellite System (BDS). Saad niya, “Ang bagong satellite (system) ay magpapataas ng accuracy ng kasalukuyang navigation system ng Tsina. Ang BDS ay makakatulong sa madaming aspects like agriculture, weather forecast and especially the public safety and security.”
Noong 2020, napaimbulog ng Tsina ang Tianwen-1 Mars probe. Kasabay nito, inilunsad din ng United Arab Emirates (UAE) ang kauna-unahang Mars probe ng bansa na tinaguriang Hope. Inilipad din ng Amerika ang Perseverance rover patungong Mars.
Kaugnay nito, sinabi ni Santos na, “Malaki ang inaasahang tulong na makukuha dito, dahil sa sobrang pagdami ng tao sa mundo, tinatayang kinukulang na ang mga posibleng lugar na maaring pagtirahan ng mga tao. Ang malaking epekto ng pagbabago ng klima, panahon, at pag-init ng mundo ay may malaking epekto din sa pamumuhay ng mga tao. Kaya ang Mars Probe Tianwen-1 ay makakatulong sa paghahanap ng panibagong buhay, posibleng makakita o makatuklas ng pagkukunan ng pangunahing pagkain gaya ng tubig, at lugar na maaring pagtayuan ng matitirhan ng mga tao sa susunod na mga henerasyon.”
Nagtapos si Aguillon ng BS in Aeronautical Engineering major in Aircraft Design sa PATTS College of Aeronautics sa Parañaque. Napagpasiyahan niyang ituloy ang pag-aaral sa Tsina pagkatapos ng internship sa Airbus Beijing at naakit ng bentaheng panteknolohiya at reputasyon ng mga pamantasan.
Si Santos naman ay“1st Filipino in Space”kung mapipili sa ginanap na AXE Apollo Space Academy noong December, 2013 sa NASA Kennedy Space Center, Florida.
Nais niyang ipagpatuloy ang mga karanasan sa NASA. Kaya nag-apply siya sa Chinese Scholarship Council (CSC) at nagbigyan ng pagkakataon na makapag-aral sa Beihang University.
Sa gitna ng pandemiya, patuloy ang pag-aaral nina James Aguillon na kasalukuyang nasa Pilipinas at Ramil Santos na nasa Beijing. Bagamat may sari-sariling kinakaharap na mga hamon sa buhay-estudyante, puno sila ng pag-asang matatapos ang kanilang kurso mula sa mga prestiyosong pamantasan ng Tsina. Aspirasyon din nilang makapagsisimula ng mga matagumpay na karera sa aviation man o sa space exploration sa Pilipinas, Tsina, Amerika o iba pang mga bansa.
Ulat : Mac Ramos
Edit: Jade
Larawan: Ramil/James
Pangarap ng 2020: Pagsisikap at pakikipagtulungan ng Tsina sa sama-samang paggagalugad ng kalawakan
Top 10 balitang pansiyensiya’t panteknolohiya ng Tsina sa 2020, inilabas ng CMG
Mga kabataang Tsino, hangad na makaraos sa pandemya ang mga kaibigang Pilipino
Online platforms ng Tsina, malaking potensyal para sa EntrePinoys sa panahon ng pandemya
Rafaela “Apples” Chen: Kasabay ng pag-unlad ng Pudong, umunlad din ang hospitality industry
Raquel So: Ang Pudong ay di lamang sentrong pang-ekonomiko, ito'y sentrong kultural din ng Shanghai