Ipinatalastas nitong Linggo, Enero 10, 2021 ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas (DFA) na mula Enero 15 hanggang 16, bibisita si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina sa Pilipinas.
Ayon sa pagtaya, magtatatgpo sina Kalihim Teodoro Locsin ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas at Wang Yi para pag-usapan kung paano pabubutihin ang mga kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa mga larangang gaya ng pamumuhunan, konstruksyon ng imprastruktura, at pagharap sa pandemiya ng COVID-19.
Ayon sa DFA, ipinakikita ng gagawing pagdalaw ni Wang ang patuloy na paglakas ng ugnayan sa mataas na antas ng dalawang bansa.
Sa kabila ng hidwaan sa South China Sea, nananatili pa ring mapagkaibigan ang relasyong Pilipino-Sino, anito pa.
Bukod sa Pilipinas, bibisitahin din ni Wang ang Myanmar, Indonesia, at Brunei.
Salin: Lito
Pulido: Rhio