Tsina, aaprubahan ang RCEP sa loob ng 6 na buwan

2021-01-15 08:29:32  CMG
Share with:

Tsina, aaprubahan ang RCEP sa loob ng 6 na buwan_fororder_1096195307535073327

 

Ipinahayag ng Tsina na maalwan ang proseso ng pagpapatibay ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Inaasahang maaaprubahan ng Tsina ang naturang kasunduan sa loob ng anim na buwan.

 

Inilahad nitong Huwebes, Enero 14, 2021, ni Gao Feng, Tagapagsalita ng Ministry of Commerce (MOFCOM) ng Tsina na sinimulan na ng bansa ang nabanggit na proseso noong Disyembre, 2020, makaraang pirmahan ito.

 

Ani Gao, alinsunod sa mga kahilingan ng RCEP, babaguhin ng Tsina ang ilang alituntuning may kinalaman sa taripa at bansang-pinagmulan. Layon nitong matiyak ang pagpapatupad ng Tsina sa pagbababa ng taripa kapag nagkabisa ang kasunduan.

 

Kasabay nito, inisa-isa ng iba't ibang departamento ng Tsina ang listahan ng tungkulin para tupdin ang lahat ng mga hakbangin ng pagbubukas at pananagutan na nakatadhana sa RCEP, dagdag pa ni Gao.

 

Higit pa rito, oorganisahin ng MOFCOM ang mga may kinalamang pagsasanay hinggil sa RCEP. Kabilang sa mga ito ang online courses kaugnay ng mga paninda, serbisyo, pamumuhunan, rules of origin, at pasilitasyon ng adwana o customs facilitation sa Enero 18-19, para tulungan ang mga pamahalaang lokal, kompanya, at organisasyong tagapamagitan o intermediary organizations na maging pamilyar sa mga alituntunin ng RCEP. 

 

Noong Nobyembre, 2020, pinirmahan ng Tsina, kasama ang sampung bansang ASEAN, Hapon, Timog Korea, Australia, at New Zealand, ang RCEP, pinakamalaking kasunduan ng malayang kalakalan ng daigdig.

 

Inilabas din nitong Huwebes ng General Administration of Customs (GAC) ang mga datos ng kalakalang panlabas ng Tsina.

 

Ang kalakalan sa pagitan ng Tsina at iba pang 14 na miyembro ng RCEP ay umabot  higit 10.2 trillion yuan ($1.58 trillion) noong 2020. Mas malaki ito ng 3.5% kumpara sa 2019. Katumbas din ito ng 31.7% ng kabuuang kalakalang panlabas ng Tsina.

 

Noong 2020, ang ASEAN ay naging pinakamalaking trade partner ng Tsina. Umabot sa 4.74 trillion yuan ( $732 billion) ang kabuuang halaga ng kalakalang Sino-ASEAN. Umakyat ito ng 7% kung ihahambing sa taong 2019.

 

Kasabay nito, lumaki ng 5.3% at 8.8% ayon sa pagkakasunod ang kabuuang halaga ng pagluluwas at pag-aangkat ng Tsina sa Uniyong Europeo (EU) at Amerika, ikalawa at ikatlong pinakamalaking trade partner ng bansa.

 

Samantala, kinakitaan naman ang Hapon at Timog Korea, ikaapat at ikalimang trade partners ng Tsina, ng 1.2% at 0.7% pagtaas ng kani-kanilang kalakalan sa Tsina, noong 2020.

 

Gayunpaman, ang kalakalan ng Tsina sa Australia ay bumaba ng 0.1% bunsod ng stalemate ng dalawang bansa kaugnay ng ilang usapin sa kalakalan. Ang kalakalan ng Tsina't New Zealand ay bumaba rin ng 0.4%.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method