Sa panayam kahapon, Lunes, ika-18 ng Enero 2021, sa Philippine News Agency, People's Television Network at Philippine Broadcasting System, sinabi ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na ang katatapos na pagdalaw sa Pilipinas ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ay biyahe para ipakita ang katapatan at pagpapalakas ng pagtutulungan.
Ani ni Huang, ang pagdalaw na ito na ginawa sa unang dako ng bagong taon ay nagbigay ng mabuting simula sa pagpapalagayan sa mataas na antas ng Tsina at Pilipinas sa taong ito. Pinasalamatan niya ang panig Pilipino sa mainit na pagtanggap kay Wang.
Sinabi ni Huang, na noong kinatagpo ni Pangulong Rodrigo Duterte, at kinausap ni Teodoro Locsin, Kalihim ng Ugnayang Panlabas, ipinahayag ni Wang ang pagsuporta ng panig Tsino sa panig Pilipino sa paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), pagpapasulong sa pagbangon ng kabuhayan, at pangangalaga sa soberanya at karangalan ng bansa. Ipinahayag naman aniya nina Pangulong Duterte at Kalihim Locsin ang kahandaan ng Pilipinas na panatilihin, kasama ng Tsina, ang mabuting kalagayan ng bilateral na relasyon, palalimin ang pagtitiwalaan, at palakasin ang pagtutulungan. Sa pamamagitan nito, ipinakita ng dalawang bansa ang katapatan sa isa't isa, at pinatatag ang determinasyon sa pagkakaibigang Sino-Pilipino, diin ni Huang.
Dagdag ni Huang, sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, natamo ng dalawang bansa ang maraming bunga sa apat na pangunahing aspekto ng pagtutulungan, na kinabibilangan ng paglaban sa pandemiya, pagpapasigla sa kabuhayan, pagpapalalim ng pag-uunawaan, at maayos na paghawak ng pagkakaiba sa isyu ng South China Sea.
Sinipi rin ni Huang ang kasabihang Tsino na "Sa harap ng kahirapan, ang paggigiit sa pagkakaisa at pagtutulungan ay nagpapakita ng tunay na pagkakaibigan."
Aniya, sa taong 2021, nakahanda ang Tsina, na patuloy na magsikap kasama ng Pilipinas, para ipatupad ang mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, dagdagan ang mga komong kapakanan, lutasin ang mga pagkakaiba, at palakasin ang pagtutulungan, para maging mas matibay ang komprehensibo at estratehikong relasyon at kooperasyon ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai