[Op-Ed] Ministrong Panlabas ng Tsina, dadalaw sa Pilipinas; relasyong Sino-Pilipino, lalong palalakasin

2021-01-14 18:05:06  CMG
Share with:

Sa panahon ng kanyang biyahe sa apat na bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), dadalaw sa Pilipinas mula Enero 15 hanggang Enero 16, 2021, si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina.

 

May kasabihan sa Tsina: "ang mas maraming pagpapalitan ay maglalapit sa mga pamilya at kaibigan."

 

Kaugnay nito, kahit sa panahon ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), hindi naputol ang pagpapalagayan ng Tsina at Pilipinas.

 

Dagdag pa riyan, noong Oktubre 2020, dumalaw si Teodoro Locsin Jr, Kalihim ng Ugnayang Panlabas (DFA) ng Pilipinas, sa Tengchong, lunsod ng lalawigang Yunnan sa timog kanlurang Tsina, at nakipag-usap kay Wang Yi.

 

Ang napipinto namang pagdalaw ni Wang sa Pilipinas ay isang "return visit."

 

Ipinakikita ng mga ito ang lubos na pagpapahalaga ng kapuwa Tsina at Pilipinas sa kanilang bilateral na ugnayan.

 

Samantala, ipinahayag ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagkakaisa sa paglaban sa COVID-19 at pagpapasulong sa kooperasyong pangkaunlaran ay magiging pokus ng pagdalaw na ito.

 

Umaasa rin ang panig Tsino, na sa pamamagitan ng pagdalaw, mapapanatili ang magandang tunguhin ng kooperasyong Sino-Pilipino, at mapapataas sa bagong antas ang relasyon ng dalawang bansa.

 

Sa kabilang dako, sinabi ng DFA, na ang nabanggit na pagdalaw ay pagpapatuloy ng pag-uugnayan sa mataas na antas ng Pilipinas at Tsina.

 

Saad pa ng DFA, makakatulong din ito sa kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng dalawang bansa sa mga aspekto ng pamumuhunan, konstruksyon ng imprastruktura, paglaban sa pandemiya, at iba pa.

 

May-akda: Liu Kai

Please select the login method