Sa kanilang pagtatagpo sa Maynila, Sabado, Enero 16, 2021, inihayag nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina; at Teodoro Locsin, Kalihim ng Ugnayang Panlabas na palalakasin ng dalawang bansa ang kooperasyon sa paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagpapasulong sa pagbangon ng kabuhayan.
Sinabi ni Wang, na sa taong 2021, dapat dagdagan ng Tsina at Pilipinas ang mga komong kapakanan, lutasin ang mga pagkakaiba, at palakasin ang kooperasyon, para magtamo ng mas maraming bunga ang komprehensibo at estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa, at ibayo pang makinabang dito ang kani-kanilang mga mamamayan.
Binanggit din ni Wang ang desisyon ng pamahalaang Tsino na magkaloob ng mga bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.
Hihimukin din aniya ng pamahalaang Tsino ang mga kompanyang Tsino na pasulungin, kasama ng panig Pilipino, ang kooperasyon para sa bakuna.
Ani Wang, handa ang Tsina, kasama ng Pilipinas, na pasulungin ang koordinasyon ng Belt and Road Initiative at "Build, Build, Build" program, pabilisin ang liberalisasyon at pasilitasyong pangkalakalan, palakasin ang kooperasyon sa transnasyonal na e-commerce at pinansyo, at ibahagi ang mga pagkakataon at bunga ng pag-unlad.
Aniya pa, nagpapasalamat ang Tsina sa Pilipinas sa pagbibigay nito ng malaking ambag sa pagpapalalim ng relasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Umaasa aniya siyang patuloy na magsisikap ang dalawang bansa, para itaas sa bagong antas ang relasyong Sino-ASEAN, at magkabisa sa lalong madaling panahon ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Diin pani Wang, pabibilisin ng Tsina, kasama ng mga bansang ASEAN, ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea, para mabuo ang mga rehiyonal na tuntuning substantibo, epektibo at nakabatay sa pandaigdigang batas.
Sinabi naman ni Locsin, na ang relasyong Pilipino-Sino ay nakabatay sa pagkakapantay-pantay at mutuwal na kapakinabangan, at ito ay isa sa mga pinakamahalagang bilateral na relasyon ng Pilipinas.
Pinasasalamatan aniya ng Pilipinas ang Tsina sa pagbibigay-suporta sa paglaban ng bansa sa COVID-19, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga materyal at pagbabahagi ng mga karanasan.
Umaasa aniya ang Pilipinas, na sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa Tsina, lalo pang lalakas ang kooperasyon sa aspekto ng bakuna.
Sinabi rin ni Locsin, na kailangang palalimin ng Pilipinas at Tsina ang pagtitiwalaan, palakasin ang pagtutulungan, at makasamang pangalagaan ang rehiyonal na kapayapaan at katatagan.
Dagdag niya, nakahanda ang Pilipinas, kasama ng Tsina, na pasulungin ang pagsasanggunian sa COC, at paunlarin ang relasyong ASEAN-Sino.
Pagkaraan ng pagtatagpo, sinaksihan nina Wang at Locsin ang paglagda sa mga dokumentong pangkooperasyon ng Tsina at Pilipinas, at pagtatatag ng Renminbi (RMB) clearing facility sa Bank of China Manila.
Salin: Liu Kai