Mainit na usapan ngayon ang bakuna ng COVID-19. Sa kasalukuyan ginagamit ng iba't ibang bansa ang Sinovac, Pfizer, Moderna, Gamaleya at iba pa, para bakunahan ang publiko. Inaasahang sa pamamagitan nito, unti-unting matatapos ang pagkalat ng pandemya.
Ang bagong episode ng Mga Pinoy sa Tsina ay nagpokus sa mga detalyeng dapat malaman ng mga tao hinggil sa COVID-19 vaccine. Sa dami ng mga pekeng impormasyon, mainam na malaman ang ilang“facts”para mapawi ang mga takot.
Tampok sa programa si Dr. Michael Ong, doktor ng Family Medicine sa Shanghai Suntec Hospital. Labintatlong (13) taon na siyang nagtatrabaho sa Shanghai.
Dr. Michael Ong
Naniniwala si Dr. Ong na ligtas ang mga bakuna na ginagamit sa publiko ngayon. Ito ay pinakaimportanteng susi para sa pag-kontrol ng pandemiya.
Payo ni Dr. Ong, ipaubaya na ang bakuna sa mga tunay na nangangailangan na gaya ng mga frontliners at mga taong exposed sa high risk areas.
Dapat din aniyang tandaan na mabilisan ang pag-develop ng bakuna at patuloy pa rin ang pag-aaral hinggil sa bisa ng mga ito.
Importante ani Dr. Ong ang tamang pag-iimbak sa mga bakuna upang di maapektuhan ang kalidad at bisa ng mga ito. Dito malaki ang pagkakaiba ng mga inactivated vaccine sa mRNA vaccine.
Ibinahagi niya ang prinsipyong“Para umiwas sa sakuna, umiwas sa panganib.”Sa madaling salita, ito ang first line of defense ng mamamayan para di mahawa sa virus.
Inulit-ulit din niya ang kahalagahan ng laging pagsususot ng maskara, pagiging malinis sa katawan at kapaligiran at pag-aalaga sa kalusugan. Sa simpleng salita:“Huwag mahawa, para di manghawa.”
Diin din ni Dr. Ong ang pagsunod sa mga kahilingan ng kuwarentenas kung kailangan.
Ang naturang mga ito aniya ay responsibilidad ng bawat tao para makontrol ng buong mundo ang pandemiya.
Ipinaliwanag din ni Dr. Ong ang kahulugan ng“efficacy rate”ng bakuna at kahalagahan ng pagsunod sa immunization schedule sa pagpapaturok ng bakuna.
Ang buong interview ay mapapakinggan sa audio link sa itaas ng webpage na ito.
Ulat/Panayam: Mac Ramos
Script-edit: Jade
Audio-edit: Lito/Jade/Vera
Web-edit: Jade
Larawan: Dr. Ong