Ipinahayag kamakailan ni Direktor Heneral Tedros Adhanom Ghebreyesus ng World Health Organization (WHO) ang lubos na pagkabahala sa di-patas na pamamahagi ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa pinakahuling estadistika ng Airfinity, kompanyang tagapag-analisa ng mga datos na pansiyensiya na nakabase sa London, Britanya, 85% ng mga bakuna ng Pfizer at lahat ng mga bakuna ng Moderna ay napunta sa mayayamang bansa.
Pinuna naman ni Ellen Johnson-Sirleaf, dating pangulo ng Liberia, ang mayayamang bansa sa pagbili ng labis na bakuna.
Dahil dito aniya, baka sa taong 2022 pa magkaroon ng mga bakuna ang mga bansang Aprikano.
Sinariwa naman ng Euronews, television network sa Europa, ang pangyayari tungkol sa mga gamot para sa acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).
Anito, pagkaraang maidebelop ang mga gamot na ito, karamihan ay binili ng mayayamang bansa, at ipinagkaloob lamang ang mga gamot sa mararalitang bansa pagkatapos ng mahigit 10 taon.
Samantala, ipinahayag din ng WHO, na sa kabila ng pagrereserba ng mayayamang bansa ng napakalaking bilang ng mga bakuna para sa kanilang kapakanan, nagsisikap ito para ilagay ang mas maraming uri ng bakuna sa mga mekanismo ng makatarungang pamamahagi na gaya ng COVAX.
Binigyang-diin ng WHO ang pangakong ibabahagi sa loob ng taong ito sa buong daigdig ang di-kukulangin sa 2 bilyong dosis ng bakuna, na kinabibilangan ng 1.3 bilyon para sa mararalitang bansa.
Salin: Liu Kai