Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan

2021-01-27 11:47:34  CMG
Share with:

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_20210127152225

 

Malaking pagbabago ang idinulot ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa paraan ng ating pamumuhay, pagnenegosyo, pakikisalamuha, at pagdiriwang ng mahahalagang okasyon.

 

Kaugnay nito, isinasagawa ngayon ng maraming bansa, internasyonal at pribadong organisasyon, at mga kompanya sa buong mundo ang kanilang mga transaksyon at interaksyon sa pamamagitan ng online na plataporma upang makontrol ang pagkalat ng pandemiya at maipagsanggalang ang kalusugan ng mga tao laban sa sakit.

 

Sa katulad na paraan, ang mahahalagang pagtitipon at pestibal ay nagkaroon din ng metamorposis, at karamihan sa mga ito ay may mga “virtual” nang bahagi, o isinasagawa sa pamamagitan ng purong online na plataporma.

 

Kaugnay nito, idinaos Enero 24, 2021 ang Pestibal ng Dinagyang sa pamamagitan ng online na plataporma.

 

Sa kanyang pahayag, inilarawan ni Mayor Jerry Treñas ng Iloilo ang Dinagyang Festival ngayong taon bilang “isa sa mga pinakamahusay na Dinagyang.”

 

Sa karaniwan, ang Pestibal ng Dinagyang ay isang makulay at napakasayang pagdiriwang ng relihiyon at kultura ng Iloilo na ginaganap sa mga lansangan, subalit dahil sa espesyal na kalagayan ng pagkontrol sa COVID-19, ipinasiya ng lokal na pamahalaang idaos ito sa mas inobatibong paraan.

 

Sa ilalim ng temang,“One Dinagyang, One Iloilo Halad kay Senior Santo Niño,”ligtas na pinanonood ng mga Ilonggo ang mga pagdiriwang at kasiyahan sa kanilang mga tahanan, habang ipinamalas naman sa buong mundo ang kagila-gilalas na pagtatanghal ng iba't ibang tribu sa pamamagitan ng pag-stream ng pre-filmed na pagtatanghal sa ibat-ibang social media platform.

 

Sa kabila ng mahigpit na alituntuning ipinapatupad dahil sa pandemiya, ipinakita natin sa buong mundo na nagkakaisa ang mga Ilonggo sa pagdiriwang ng pinakamalaking kapistahan ng lunsod - ang kapistahan ng Señor Santo Niño,” dagdag pa ni Treñas.

 

Ayon sa alkalde, kahit binago ng pandemiya ng COVID-19 ang paraan ng pamumuhay ng mga taga-Iloilo, ang kanilang pananampalataya sa Señor Santo Niño ay nananatiling matatag.

 

Sa halip na idaos ngayong taon ang selebrasyon sa mga lansangan, inorganisa ng Iloilo Festivals Foundation, Inc. (IFFI), ang mga tagapagtanghal, koreograper, tagadisenyo, at filmmaker upang bumuo ng pitong tribong kumakatawan sa pitong distrito ng Iloilo.

 

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_微信图片_20210126151142

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_微信图片_202101261511421

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_微信图片_202101261511422

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_微信图片_202101261511423

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_微信图片_202101261511424

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_微信图片_202101261511425

Digital Dinagyang 2021, inobatibo at matagumpay na kaganapan_fororder_微信图片_202101261511426

 

Sila ay nagtanghal sa harap ng mga simbahan, matatandang mansyon, pampang ng Ilog Iloilo, Iloilo Promenade, at taas ng mga gusali upang ipakita ang mga ekonomikong pag-unlad na nakamtan ng lunsod nitong ilang taong nakalipas.

 

Pero, kahit pre-filmed ang mga ito, naipakita pa rin ang matitingkad na kulay na tradisyonal nang ipinipinta sa katawan ng mga mananayaw.

 

Ayon naman kay Attorney Jobert Peñaflorida, Presidente ng IFFI, “tunay na nakapagpapa-init ng damdamin” ang resepsyong ipinakita ng mga Ilonggo at di-Ilonggo sa ika-53 edisyon ngayong taon ng Dinagyang.”

 

Aniya pa, maliban sa telebisyon, mahigit 200,000 ang nanood ng mga pagdiriwang sa ibat-ibang social media.

 

“Nakakabigla ang reaksyon at komento ng mga netizen. Marami sa kanila ang nagsabing mas gusto nila ang bersyong online at pinuri ang cinematography, konsepto ng kuwento, at pagkamalikhan ng buong produksyon,” saad ni Peñaflorida.

 

Marami rin aniya ang mga Ilonggong nasa ibang bansa na nagpadala ng mensahe at nagsabing pinanood nila ang Dinagyang.

 

Ang Dinagyang ay isang salitang Hiligaynon na nangangahulugang “pagpapakasaya o pagdiriwang.”

 

Ang Pestibal ng Dinagyang ay ang bersyong Iloilo ng Pestibal ng Ati-Atihan na malawakang ipinagdiriwang sa Isla ng Panay, at iba pang bahagi ng Pilipinas.

 

Idinaraos tuwing ikaapat na Linggo ng Enero kada taon, ang kasaysayan ng Dinagyang ay nagsimula noong 1968 nang dalhin ni Father Sulpicio Enderes, OSA, at delegasyon mula sa Cofradia de Cebu ang replika ng imahe ng Señor Sto. Niño de Cebu sa San Jose Parish Church, Iloilo.

 

Ito ay lubos namang ikinagalak ng mga Ilonggo, at nang sumunod na taon (1969), idinaos ang unang kapistahan ng Señor Sto. Niño.

 

Noong 1974, sa pamamagitan ng paghahandog ng isang pambihirang kultural na pagtatanghal para sa mga turista, gumanap ng napakahalagang papel ang Pestibal ng Dinagyang sa “Operation Balikbayan” ng noon ay Ministri ng Turismo.

 

Noong 1976, inenkorahe ng pamahalaan ang partisipasyon ng mga manonood sa kasiyahan.

 

Mula sa panonood lamang, nagkaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan, partikular ang mga turista upang makisayaw, makimartsa, makisigaw, makikanta, at  magdiwang kasama ang mga tribong nagtatanghal sa lansangan.

 

Noong 1977, isang awtentikong tribo ng Ati mula sa kabundukan ng Barotac Viejo ang inimbitahan upang magpakita ng kanilang katutubong sayaw.

 

Mula noon, ang Pestibal ng Dinagyang ay naging isa nang aktibidad na nagsusulong ng turismo ng Pilipinas, kompetisyong pampalakasan, presentasyong kultural, at paraan ng pagpapahayag ng pananampalataya ng mga Ilonggo kay Señor Sto. Niño.

 

Artikulo: Rhio Zablan

Script-edit: Jade

Web-edit: Jade/Sarah

Photo credit: IFFI, Iloilo City Government/photo grab from Digital Dinagyang Festival 2021

 

Source:

https://www.pna.gov.ph/articles/1128426

https://iloilocity.gov.ph/main/2018/04/06/63/

https://www.facebook.com/iloilocitygov/posts/d41d8cd9/3925999814098205/ 

https://www.panaynews.net/dinagyang-2021-an-online-spectacle/

https://iloilofestivals.com/ 

https://www.facebook.com/watch/Iloilo-Dinagyang-2309637079252976/ 

https://www.facebook.com/USPIloilo/posts/the-history-of-dinagyang-festivaldinagyang-is-iloilo-citys-version-of-the-ati-at/1450736771639447/

 

 

 

Please select the login method