Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina

2021-01-20 16:27:29  CMG
Share with:

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_微信图片_20210120153214

 

Sabay na sinasalubong at ipinagdiriwang ngayong araw, Enero 20, 2021 ng Tsina ang panahong kung tawagin ay Da Han at pestibal na tinaguriang Laba.

 

Ang Da Han ay ang ika-24 o panghuling solar term ng Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina, at kasabay ng pagsapit nito ang pagdating ng napakalamig na panahon, partikular sa hilagang bahagi ng bansa. 

 

Samantala, ang Pestibal ng Laba ay isa naman sa mga mahalagang tradisyunal na kapistahan ng Tsina. 

 

Ang dalawang ito ay parehong ikinukunsiderang preliminaryong pagdiriwang at paghahanda para sa Bagong Taong Tsino o Pestibal ng Tagsibol (pinakamahalagang kapistahan sa bansa).

 

Ang Da Han at Pestibal ng Laba ay gumanap at patuloy na gumaganap ng mahalagang papel sa paghubog ng paniniwala, kagawian, paraan ng pamumuhay, at uri ng pagkain ng mga Tsino sa loob ng hene-henerasyon.

 

Kaya naman, sa pamamagitan ng artikulong ito, nais kong ibahagi sa inyo ang mga kaalaman at kawili-wiling impormasyon tungkol sa Da Han at Pestibal ng Laba.

 

Da Han, ang Dakilang Lamig

 

Sa wikang Tsino (Mandarin), ang Da ay nangangahulugang dakila o great, samantalang ang Han naman ay lamig o cold; kaya ang Da Han ay literal na nangangahulugang Dakilang Lamig.

 

Matapos sumapit ang Da Han, sasalubungin ng mga Tsino ang tagsibol.

 

Sa taong ito, 14 na araw ang itatagal ng panahon ng Da Han.

 

At tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, darating  ang napakalamig na panahon sa pagsapit ng Da Han, dahil iihip patimog ang malamig na hangin mula sa hilaga (rehiyon ng Siberia).

 

Sa panahong ito, madalas umuulan ng niyebe sa hilagang Tsina at nagyeyelo ang mga ilog at lawa, kaya naman, marami ang nangingintab na kulay puting tanawin sa mga lugar ng rehiyong ito.

 

Sa kabilang banda, sa katimugang bahagi ng Tsina, mula 6℃ hanggang 8℃ ang karaniwang temperatura.

 

Isang araw bago dumating ang Da Han, pinalad na umulan ng niyebe sa Beijing. Narito ang isang maikling video na kuha kahapon.

 

 

 

Pagkain, kagawian at ehersisyo tuwing Da Han

 

Pritong lumpia

 

Sa prefecture-level na lunsod ng Anqing, lalawigang Anhui, sa gawing gitna ng Tsina, naniniwala ang mga taga-rito, na nagdadala ng init at ginhawa sa katawan ang pagkain ng pritong lumpia o fried spring roll sa panahon ng Da Han, kaya naman, isa nang kaugalian ng mga mamamayan ng lunsod ang pagkain nito.

 

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_259987959780212837

 

Tulad sa Pilipinas, ang lumpia ng mga taga-lunsod Anqing ay pinalalamnan ng karne o gulay, ngunit ang lasa ay medyo kakaiba, dahil ang kanilang lumpia ay puwedeng maalat o matamis, depende sa kagusthan ng nagluluto at kakain nito.

 

Nilaga o stew

 

Sa lunsod Nanjing, lalawigang Jiangsu, sa gawing silangan ng Tsina, mahilig namang humigop ng mainit na sabaw ang mga taga-rito tuwing Da Han.

 

Tulad ng mga Pilipino, naniniwala silang ang paghigop ng mainit na sabaw kapag malamig ang panahon ay nakakapagpainam ng pakiramdam, mula ulo hanggang paa.

 

Para rito, naglalaga sila ng native na manok, at maaari ring lahukan ng iba’t ibang mga rekado na gaya ng ginseng, matrimony vine o goji berry, taynga ng daga, at itim na kabuti.

 

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_1012624576876904558

 

"Keyk na nag-aalis ng lamig"

 

Gaya ng mga Pinoy, mahilig din ang mga Tsino sa kakanin.

 

Sa panahon ng Da Han, kaugalian na ng mga Tsino ang mga pagkaing yari sa malagkit na bigas.

 

Maraming taga-Beijing ang kumakain ng isang uri ng kakaning kung tawagin ay“keyk na nag-aalis ng lamig” tuwing Da Han.

 

Ito ay parang tikoy at gawa rin sa malagkit na bigas, na hinaluhan ng asukal, dates, at iba pa, at pinaniniwalaang nakakapagpaginhawa at nakakapagpainit ng pakiramdam.

 

Bukod pa riyan, ang salitang“rice cake”ay may kaparehong bigkas sa salitang “pagtangkad sa bagong taon”sa wikang Tsino, kaya naman isa pa itong dahilan kung bakit kumakain ng“rice cake”ang mga Tsino tuwing Da Han.

 

Ang Da Han ay dumarating bago sumapit ang Pestibal ng Tagsibol, na tinatawag ding Bagong Taong Tsino.

 

Pagbili ng tangkay ng linga

 

Ang Da Han ay ang ika-24 na solar term,  katapusan ng  isang taon ng Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina, at hudyat ng nalalapit na pagsisimula ng bagong taon.

 

Noong sinaunang panahon, maraming mamamayan ang nagtutungo sa mga palengke upang bumili ng tangkay ng linga o sesame straw. 

 

May matandang kasabihan sa Tsina: "Sugpungan kada sugpungang umahon, tulad ng mga bulaklak sa tangkay ng linga."

 

Ito ay naglalarawan at nagpapahiwatig sa kahilingan ng mga Tsino para sa unti-unting pagpapaunlad ng kanilang pamumuhay, paraan ng pag-iisip, kakayahan, at pag-aaral.

 

Ehersisyo

 

Isa nang kaugalian ng mga Tsino na gumawa ng mas mahigpit na pag-i-ingat sa kalusugan tuwing sa panahon ng taglamig.

 

Kaugnay nito, may kasabihang Tsino: "Ang pumapatak na tubig ay nagyeyelo sa panahon ng Xaio Han o Lesser Cold (ika-23 solar term ng Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina) at Da Han.”

 

Kaya, sa ibat-ibang rehiyon ng Tsina, napakainam na panahon para sa winter sports tulad ng skiing, ice skating at pagpapadulas ang panahon ng Da Han.

 

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_VCG111311955991

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_VCG111314254616

 

Pestibal ng Laba

 

Ang Pestibal ng Laba ay ipinagdiriwang tuwing ika-8 araw ng ika-12 buwan ng Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina.

 

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_VCG211171564988

 

Ang ika-12 buwan ng Tradisyunal na Kalendaryo ng Tsina ay tinatawag na Buwang La, samantalang ang bigkas ng numero 8 sa wikang Tsino ay Ba, kaya ang pestibal na natatapat sa petsang ito ay tinaguriang Pestibal ng Laba.

 

Tuwing Pestibal ng Laba, maraming Tsino ang nagluluto at kumakain ng Lugaw Laba; at gumagawa ng Bawang Laba o inatsarang bawang.

 

Sa karaniwan, ang Lugaw Laba ay may walong rekado, at tinatawag din itong Lugaw Babao o Walong-Yamang Congee.  

 

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_VCG211237945341

 

Pero kung minsan, hinahaluan ito ng mas marami pa sa walong rekado, tulad ng malagkit na bigas, trigo, mais, pinatuyong dates, buto ng lotus, mani, laman ng longan, pulang balatong, gisantes, millet, pasas, at iba pa.

 

Madaling lutuin ang Lugaw Laba. Narito  ang mga pangunahing yugto: 

 

--Una, alisin ang gitna ng buto ng lotus at pit ng dates.

 

--Pangalawa, ilagay ang lahat ng mga rekado sa isang slow cooker, rice cooker o kaserola.

   Maaari ring ibabad sa tubig ng mga 30 minuto o mas matagal ang mga rekado bago lutuin.

 

--Pangatlo, kulubin ng di-kukulangin sa dalawang oras hanggang maging malambot ang mga rekado at malapot ang sabaw.

 

--Pang-apat, ihain.

 

Matapos maluto ang lugaw, isang tradisyon ang pag-aalay muna ng bahagi nito sa mga ninuno.

 

Susunod ay pagbibigay ng lugaw sa mga kamag-anak bago mag-alas dose ng tanghali, at ang matitira ay pagsasaluhan ng pamilya.

 

Maliban sa Lugaw Laba, isa ring tradisyon sa Tsina ang paggawa ng Bawang Laba o inatsarang bawang, lalo na sa hilagang bahagi ng bansa.

 

Ang pangunahing rekado nito ay bawang at suka.

 

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_1120995131559116871

 

Tulad ng paraan ng pag-aatsara sa Pilipinas, inilalagay sa isang garapong may suka ang mga tinalupang bawang, at kung minsan ay nilalagyan din ng asukal para gawin itong manamis-namis.

 

Matapos ang mga 20 araw, magkukulay berde ang mga bawang sa loob ng garapon, at ito ay indikasyon na maaari nang ihain ang bawang.

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_919624928466567212

Ang Bawang Laba ay kadalasang kinakain kasama ng dumpling at pansit o noodles.

 

Selebrasyon sa taglamig: Da Han at Pestibal ng Laba, sabay na sinasalubong ng Tsina_fororder_352685723518631973

 

Artikulo/Video: Rhio Zablan

Script-edit: Jade 

Web-edit: Jade/Sarah

Source: Sarah

Larawan: Li Min/VCG/IC

Espesyal na pasasalamat kay Li Feng

 

Please select the login method