Dumating nitong Lunes, Pebrero 1, 2021 ng Islamabad ang unang batch ng 500,000 dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na ibinigay ng Tsina sa Pakistan.
Ito ang kauna-unahang pangkat ng donasyon ng bakuna na ipinagkaloob ng pamahalaang Tsino sa ibayong dagat.
Dumalo sa seremonya ng paghahandog ng bakuna si Shah Mahmood Qureshi, Ministrong Panlabas ng Pakistan.
Sa ngalan ng kanyang pamahalaan at mga mamamayang Pakistani, pinasalamatan ni Qureshi ang donasyon ng Tsina. Aniya, ang pag-aabuloy ng Tsina ng mga bakuna sa panahong gipit na gipit ang Pakistan ay nagpapakita ng matibay na pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Ayon sa pamahalaan ng Pakistan, ang nasabing pangkat ng bakuna na idinebelop ng China National Pharmaceutical Group o Sinopharm ay ituturok muna sa mga frontliner.
Salin: Vera