Bakuna ng Sinovac, ipapadala sa Pilipinas; PRRD, gustong saksihan ang pagdating

2021-02-24 12:46:34  CMG
Share with:

Gusto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na personal na saksihan ang pagdating sa Pilipinas ng 600,000 dosis ng bakuna laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na gawa ng Sinovac Biotech Ltd. (Sinovac) ng Tsina.

 

Ito ang winika ni Presidential Spokesman Harry Roque sa regular na preskon ngayong araw, Pebrero 24, 2021.

 

Wala pang ispesipikong petsa kung kailan darating ang inisyal na karga ng bakuna ng Sinovac, na ipinangakong ibigay ng Tsina sa Pilipinas.

 

Gayunpaman, sinabi sa nasabing preskon ni Helen Yang, General Manager ng Sinovac na inaasahang darating ang mga bakuna sa linggong ito, o susunod na linggo. 

 

“Buong-sikap kaming nagtatrabaho, kasama ng mga counterpart mula sa Pilipinas para paghandaan ang pagpapadala ng mga bakuna. Handa na ang mga produkto, kailangan lang naming i-finalize ang mga procedure sa adwana, at saka ang pagpili ng petsa ng paglipad ng eroplano, ” dagdag ni Yang sa kanyang opisina sa Hong Kong.

 

Matatandaang pinagtibay ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Sinovac vaccine, nitong nagdaang Lunes, Pebrero 22, 2021.

 

Artikulo: Jade

Pulido: Rhio

Please select the login method