Sa virtual Chinese New Year Party na inihandog ng Embahada ng Tsina sa Manila kamakailan, isang espesyal na mensahe ang ipinadala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kung saan, ipinahayag niya ang mabuting hangarin para sa nakatakdang pagpasok ng Bagong Taong Tsino o Pestibal ng Tagsibol.
Ani Duterte, umaasa siyang walang humpay pang lalalim ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina at pagkakaibigan ng mga mamamayan ng dalawang bansa ngayong Taon ng Baka.
Samantala, sa kanyang mensahe sa selebrasyon, ipinahayag ni Embahador Huang Xilian ng Tsina sa Pilipinas na napaka-espesyal ng taong 2020.
Kahit sa gitna ng pandemiya, patuloy aniyang lumalalim ang tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas - napapanatili ang mahigpit na pagpapalitan ng mga lider ng dalawang bansa, nananatiling pinakamalaking trade partner ng Pilipinas ang Tsina, at matatag na sumusulong ang mga proyektong pangkooperasyon.
Sinabi ni Huang na sa pagsisimula ng pandemiya (pinakamahirap na panahon) ipinagkaloob ng pamahalaan at iba’t ibang sektor ng Pilipinas ang mahalagang suporta sa Tsina.
Bilang pasasalamat, ipinadala naman aniya ng Tsina sa Pilipinas ang medical team, medical supplies at iba pa bilang pasasalamat.
Kaugnay nito, sa kanyang pagbisita kamakailan sa Pilipinas, nangako si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina na ipagkakaloob ang 500 libong dosis ng bakuna sa Pilipinas.
Ani Huang, tiyak na ipagpapatuloy ng aksyong ito ang magagandang nasimulan ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan sa pagsapit ng Bagong Taong Tsino.
Bukod dito, naghanda ng ilang pagtatanghal ang Embahada ng Tsina sa Manila na gaya ng pagkanta, tradisyonal na pagsayaw, puppet show, sand drawing, at pagtugtog ng tradisyonal na musikang Pilipino.
Mahigit 520 libo katao ang nakapanood ng live streaming ng nasabing virtual Chinese New Year Party.